Pinoy na wanted sa US natimbog sa Davao

HINDI na nakapagtago ang isang Pinoy na wanted sa US Federal Court dahil sa kaso ng health care fraud noon pang nakalipas na 2007 sa Estados Unidos matapos bitbitin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) nang matiyempuhan ito sa isang diagnostic clinic sa Davao City.

Batay sa report ni NBI Foreign Liaison Division (NBI-FLD) chief Atty. Claro De Castro, Jr. kay NBI-Director Magtanggol Gatdula, mismong ang gobyerno ng Estados Unidos ang humiling ng extradition sa Department of Justice (DOJ) laban sa suspek na nakilalang si Omar Agang-Ang Decendario.

Sa rekord ng NBI, si Decendario ay nahaharap sa mga kaso nitong nakabinbin sa Central District Court of California, kaugnay sa conspiracy to commit health care fraud.

Sa naantalang ulat ng NBI, naaresto  si Decendario nitong nakaraang Agosto 9 habang nasa loob ito ng Panacee Diagnostic Clinic, Door 3-4, MGR Building, Matina Crossing, Davao City.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng NBI, si Decendario umano ay nagtrabaho sa Sunrise Agency sa US at nakapag-recruit ito ng Medicare beneficiaries na nag-enroll sa home health services.

Subalit nabuko siya na nakikipagsabwatan lamang sa ilang indibidual para palabasin na nagsasagawa sila ng nursing visits sa mga beneficiaries kahit hindi naman nagseserbisyo.

Naging dahilan ito sa paghahain ng mga kaso ng mga biktima at idiniin siya ng Central District of California sa mga kasong conspiracy to commit 20 counts of health care fraud and panlilinlang o pagsisinungaling na paglabag sa Title 18, United States Code, Section 2 (b) at  paglabag sa 1001 US Code.

Bago pa man umano mailabas warrant of arrest ay nakalipad na pabalik sa Pilipinas ang suspek kaya napilitang ipagharap siya ng extradition case sa Pilipinas

Inaasahang ihaharap ito kay Manila Judge Felixberto Olalia, Jr. ng Manila Regional Trial Court Branch 8 kaugnay sa extradition case. Rene Crisostomo

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply