Pinoy sa US ‘di naapektuhan ni Hurricane Irene

INIHAYAG ngayon ng embhada ng Pilipinas sa Washington na nasa maayos na kalagayan ang mga Pilipino sa mga estado sa Amerika na binabayo ni Hurricane Irene.

Ipinabatid ito ni Philippine Ambassador to Washington Jose Cuisia sa gitna nang patuloy na monitoring sa sitwasyon doon.

Sinabi ni Cuisia na napaghandaan na ng mga Pinoy sa Amerika ang pagbayo ni Hurricane Irene sa kanilang mga lugar at walang Pinoy na nadamay rito.

Batay sa tinanggap na ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay nasa maayos umanong kalagayan ang mga Pinoy sa Estados Unidos matapos ang pananalasa ng Hurricane Irene.

Dahil sa naturang kalamidad, sinasabing umaabot na sa 19 katao ang namatay sa mga estado na sinalanta ng hurricane.

Kabilang sa mga apektadong estado at sinasalanta ng hurricane Irene ang Washington D.C at New York.

Matatandaan na hinahagupit ng malakas na hangin at matinding ulan ang estado ng North Carolina sa Amerika.

Tumama na ang Hurricane Irene sa North Carolina, taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 136 kilometro bawat oras.

Bagama’t bahagyang humina, inihayag ng National Hurricane Center na hindi nabawasan ang banta ng bagyo.

Tumama si “Irene” sa Jacksonville, North Carolina bago hinagupit ang hilagang bahagi ng Outer Banks ng estado.

Pero inihayag ng mga forecasters na balewala ang pag-landfall na ito ng bagyo at kahit umano nag-landfall na, mananatiling mapanganib ito.

Umaabot hanggang sa 11 talampakan ang taas ng alon sa coastal areas ng North Carolina at sa lakas ay abot nito ang mga bahay at hotels na malapit sa karagatan.

Bagama’t nagpatupad na ng preventive evacuation, may mga nanatili pa rin sa kanilang tahanan.

Napag-alaman na umaabot sa 2.3 milyong katao ang inilikas sa buong East Coast dahil sa Hurricane Irene.

Higit 91,000 katao na ang walang koryente sa North Carolina coast habang higit 6,100 rin ang flights na kinansela bunsod ng masamang panahon. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply