PLDT-Digitel merger silipin

KUMPLIKADO ang pinasok na merger deal sa pagitan ng Philippine Long Distance Co. (PLDT) at Digitel Telecommunications Philippines.

Hindi na natin hihimayin ng husto ang mga pinakapinong detalye ng kontrata dahil masiyadong kumplikado ang mga ito at magiging mahirap para sa ordinaryong mamamayan na gaya natin para lubos na maintindihan.

Marami na rin naman ang naisulat hinggil sa merger na ito na mismong mga abogado pa ng parties concerned ang talking heads, kung kaya’t pagtuunan na lang natin ng pansin ang magiging epekto ng P74.1 bilyon contract sa consumers na kagaya natin.

Marami ang umaangal na ang hakbang na ito ay magiging daan para bumalik ang monopolyo sa telecom business.

Alam naman nating lahat, lalo na iyong mga ipinanganak bago ang circa 90’s na kung kelan nauso na ang mobile phones, na ang PLDT ay isang monopolyo kaya nagagawa nila ang lahat ng gusto nilang gawin noong panahong iyon.

Natatandaan ko pa na noong panahong monopolyo pa ang PLDT ay bumibilang talaga ng taon bago makabitan ng linya nang telepono ang isang aplikante.

Wala ring pakialam ang PLDT kung hindi maayos ang serbisyo nila at kung hindi man makabitan ng linya ng komunikasyon ang mga tahanan sa malalayong probinsya.

Masuwerte ang mga tao ngayon lalo na ang mga kabataan sapagkat anomang oras na gusto nilang magkaroon ng linya ng telepono ay magagawa nila basta may pambili sila nang unit at load.

Available na rin ang internet kahit saang lugar at kahit anong oras na sa tingin ko ay imposible kung nagkataon na monopolyado pa din ng PLDT ang telecom industry.

Pero kung sakali na tuluyan na ngang magsanib puwersa ang PLDT at Digitel ay makokopo na nang PLDT ang 70 porsiyento ng merkado ng telecommunications.

Ang Digitel ang pangatlong mayroong pinakamalaking market share sa industriya na umaabot sa 15 milyon mobile subscribers.

Dahilan dito ay magkakaroon din ang PLDT ng sobra-sobrang “radio frequencies” na maaring magamit naman nito para tuluyan ng lamunin ang kumpetisyon.

Sa gayon ay maaring bumalik na naman tayo sa panahon ng monopolyo na maaaring magresulta sa mas mababang kalidad ng serbisyo at mas mataas na presyo ng serbisyo.

Pag may monopolyo kasi ay may pagsasamantala. Kaya nararapat lang na busisiin ng husto nang mga concerned government official natin sa pangunguna ni Pangulong Noynoy Aquino ang naganap na merger na ito.

Higit kaninoman ay dapat masiguro na ang proteksyon ng taumbayan at hindi ng ilang mayayamang negosyante lamang ang mangingibabaw bago maaprubahan ang deal na ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply