PNoy kakalampagin sa pagtapyas sa badyet ng SUCs

NAGBABALA ang samahan ng mga guro na magsasagawa ng mga kilos-protesta bilang pagtutol sa pagtapyas ng pondo para sa taong 2012 ng state universities and colleges (SUCs) .

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), mag-iingay sila upang pigilan ang pagtapyas sa pondo ng SUCs dahil sa lubhang napakaliit na nito para bawasan pa.

Base sa ipinalabas na datos ng ACT, sa P1.816 trilyong pondo para sa 2012 National Expenditure Program (NEP) ay aabot lamang sa P21.8 bilyon ang inilaan ng pamahalaan sa SUCs na isinumite nila sa Kongreso.

Mas mababa pa ito sa P22.03 bilyong budget para ngayong 2011 at napakalayo sa P49-bilyon panukalang budget ng Commission on Higher Education (Ched).

Ayon kay France Castro, secretary general ng ACT, ito ay nangangahulugan ng paglala ng kakapusan sa guro, kawani, pagkabulok pa ng mga pasilidad at kawalan ng dagdag na mga kagamitan para sa mga estudyante sa kolehiyo.

Umaabot rin umano s P569.8 milyon ang kinaltas sa “operations budget” sa 50 SUCs para sa taong 2012.

Matatandaan na nitong 2011, umaabot sa higit P1 bilyon na ang kinaltas ng administrasyong Aquino sa operations budget.

Napag-alaman ng ACT, nasa 45 SUCs ang kinaltasan ng P250.9 milyon para sa maintenance at iba pang operating expenses. Kinaltasan naman ang 58 SUCs ng P403.3 milyon para sa “personal services (PS)” na nangangahulugan umano na walang pagtataas sa suweldo ng mga kawani ng SUCs base sa “Salary Standardization Law” sa taong 2012.

Sinabi pa ni Castro, sa kabila ng bulok na ang mga gusali, pasilidad at napakaraming mga mag-aaral ang hindi na ma-accomodate sa mga SUCs ay walang inilaan ang gobyerno ni isang kusing para sa capital outlay o paggawa ng mga bagong at mga silid-aralan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply