PNoy maka-kapitalista – CBCP official

MAS pinapaboran umano ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang mga kapitalista kumpara sa mga mahihirap na Pinoy na labis na ikinadismaya ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Ito’y matapos na pahintulutan ni Aquino na magsagawa ng “mass layoff” ang Philippine Airlines (PAL) sa may 2,600 empleyado nito.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng CBCP, nakalulungkot na tila mas pinapaboran pa ng Pangulo ang mga mayayamang kapitalista dahil sa pagpayag nito sa mass layoff sa mga manggagawa ng PAL tulad din aniya nang ginawa nito sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Naniniwala ang Obispo na ang desisyon ni Aquino ay magiging daan sa paglaganap ng kontraktuwalisasyon sa bansa na pabor sa mayayaman at hindi sa mahihirap.

Binigyang-diin ni Pabillo na mali ang polisiya ng pamahalaan dahil sa pagiging bias nito at pagpabor lamang sa mga negosyante kaysa sa kapakanan ng mga manggagawa.

“Ang kanyang pananaw ay mali. Ang pananaw na mas mahalaga ang pera kesa sa tao. Yan ang mali. At nakikita yan sa pagpapatakbo ng gobyerno na ito. Hindi lang sa executive kundi maging sa judiciary.  Iyong kanilang desisyon sa kaso ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Mas pinaboran ang mga may-ari kesa sa mga manggagawa,” ani Pabillo sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“So, iyan ay mga polisiya na nagpapakita sa mga taong ito na ang mas mahalaga ay pera ay hindi ang taumbayan,” ani Pabillo. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply