PNoy, paano ‘to? 35 lang ang umuwi mula sa 91 OFW sa Libya

INILALARAWAN ng pagiebakwit ng mga overseas Filipino worker sa Libya ang pananaw ni Juan sa sarili niyang bayan at sa pamahalaan na rin.

Sa pahayag ng mga onorabol na nagsasagawa ng ebakwesyon sa bansa ni Moammar Gaddafi, may 91 OFW ang nagpalista para umuwi. Pero nang naroon na sa Libya ang barko para itakas sila sa kaguluhan doon papuntang Alexandria, Ehipto at tuluyang lumipad pauwi rito sa atin, umatras ang nakararami at 35 lang ang sumakay sa barko.

oOo

Matigas ang ulo ng mga OFW? Hindi ito ang dahilan, Suki, ng pagbabagong-isip ng mga OFW.

Katotohanan ang tunay na dahilan kung bakit mas gusto pa nilang mabuhay sa magulong bansa ni Gaddafi kaysa umuwi sa bayan kong mahal na sinasabing mapayapa.

Sa Libya, may pag-asa silang mabubuhay kahit na sila ay mamatay. Dito sa atin, mamamatay na nga sila, babaunin pa nila sa hukay ang gutom at kahirapan.

Sa Libya, magbuwis man ang mga OFW ng buhay, hanggang sa huling sandali, ang mga pamilya nila rito ay may butil ng bigas sa kanilang hapag-kainan at marahil, mayroon pa nito kinabukasan. Dito sa atin, buhay ka nga, kumakalam naman ang iyong sikmura sa kawalan ng maipampapalaman dito at ng katiyakang mayroon na nito kinabukasan.

At ito ang hubad na katotohanan kahit nagbago na ang pamahalaan na nagbibigay ng pag-asa kay Juan.

oOo

Ang 60 OFW sa Libya na nagpaiwan at mas gusto pang makipaglaro kay kamatayan doon kaysa umuwi at mamuhay sa gutom sa Pinas ay dapat magbukas sa mata ng pamahalaang PNoy kung ano talaga ang ating kalagayan.

Kayod pa, PNoy, bago makita ni Juan ang pagbabagong makapagpapabalik sa mga OFW sa atin para mamuhay nang may pag-asa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply