PNP bulag, pipi, bingi sa talamak na sugal sa Rizal

TALAMAK ang iba’t ibang pasugalan sa lalawigan ng Rizal partikular na ang bayan ng Binangonan, Taytay at Cainta ngunit mistulang bulag, pipi at bingi rito ang pamunuan ng Rizal PNP.

Untouchable daw ang mga operator ng mga pasugalan dito kaya hindi magalaw-galaw at ang ilan  pang operator  ay  mga tauhan mismo ng Rizal PNP.

Wala umanong magawa rito ang mga mayor at ang PNP dahil sa laki ng payola na kanilang tinatanggap linggo linggo.

Sa bayan ng Binangonan ay nagkalat ang pula’t puti o color game, roleta at video karera na pag aari nitong si Aling Toyang at nagsisilbing taga-areglo sa mga pulis-kotong ay ang manugang nitong si alyas Allan “Tiyope.”

Pag-aari naman ng isang Arnold “Hayup” ang mga iligal na pasugalan sa Brgy. Muzon, Taytay, Rizal.

Isang alias “Lolong” naman ang may-ari  ng pasugalan na nasa  may Valley Gulf katabi lang ng Jollibee sa Brgy. San Juan, Cainta at ayon sa source ng Lily’s Files, kapag may nagpupuntang mga tiwaling tauhan ng Rizal PNP dito ay sinasalubong ng isang alias “Sarge” na nagpapakilalang taga-NBI.

Sa pag-iimbestiga ng Lily’s Files, ating nalaman na isang pulis na nagngangalang “Nomer Bakla” ang collector ni Rizal PNP Provin-cial Director Sr. Supt. Manuel Cesar Prieto.

Hindi lang yan, nalaman din ng inyong lingkod na itong pulis na si Nomer Bakla ang operator din ng mga nagkalat na “devil machine” na lalong kilala sa tawag na video karera sa buong lalawigan ng Rizal.

Ayon sa source ng Lily’s Files, karamihan umano sa mga nagsusugal dito ay pawang mga kabataan at estudyante lalo na sa video karera.

Maraming beses nang inireklamo ng mga magulang ang nasabing mga pasugalan ngunit walang aksiyon dito ang pamunuan ng Rizal PNP kaya minabuti ng mga magulang na sadyain ang inyong lingkod at ipakita ang mala- tianggeng pasugalan sa Rizal.

Hay nakuuuuuuuuu, matagal nang problema ng lalawigan ng Rizal ang mga iligal na pasugalan at kahit na yata sinong Poncio Pilato ang maupong Rizal Provincial Director ay hindi na ito mapipigilan at kahit na sino pa ang maupong Mayor sa mga bayang ito ay wala ring magagawa.

Hangga’t tiwali ang pamunuan ng Philippine National Police at gahaman sa pera ang mga naka-upo ay hindi matitigil ang mga iligal na pasugalan hindi lang sa Rizal kundi maging sa buong bansa.

At hanggang may mga taong tumataya o tumatangkilik sa iligal na pasugalang ito.

Hindi ito matitigil at kahit na anong tuwid ng daan pa ang gawin ay sigurado akong pipiliin pa rin ng mga tiwaling opisyal ng ating pamahalaan ang liko-likong daan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply