PNP gumagamit na ng makabagong teknolohiya vs. krimen

GUMAGAMIT na ngayon ang Philippine National Police (PNP) ng makabagong teknolohiya upang mapabilis ang pagdakip at maresolba ang naganap na krimen.

Sinabi ni Director Arturo Cacdac Jr., hepe ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), na malaki ang naitutulong ng mga naturang kagamitan sa larangan ng crime investigation at forensics.

Ayon kay Cacdac, dahil sa ginagawang modernisasyon sa PNP sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III, mas madali na nilang matukoy ang mga kriminal sa pamamagitan ng mga naiwang DNA (Deoxyribonucleic acid), fingerprint, o alinmang ebidensyang materyal.

Gamit ang automated fingerprint identification system (ATIS), naima-match agad ng mga alagad ng batas ang naiwang bakas ng suspek sa naipon nilang talaan o database. Ang naturang machine ay nagkakahalaga ng P500 milyon.

Gayundin, aniya, may pagkakataon na silang matunton kung sa anong uri ng baril nagmula ang alinmang basyo ng bala gamit ang makabagong integrated ballistic identification system ( IBIS).

Sa pamamagitan din nito ay bumubuo ang PNP ng isang digital ballistic database na magsisilbing pamantayan ng ahensya sa mga susunod pa nitong imbestigasyon.

Lahat ng sandata tulad ng baril ay nag-iiwan ng natatanging marka sa basyo ng bala at kapag sinuri ng mga siyentista gamit ang high-tech na aparato ay madaling maihahambing sa kanilang database, paliwanag ni Cacdac.

“Ang Pilipinas ay pangwalong bansa sa Asya na gumamit ng ganitong teknolohiya at ng makuha natin ang IBIS ngayong taon ay nakapagtala na ito ng 90 hits,” aniya.

Bukod pa rito, gumagamit na rin aniya ang PNP ng electronic cartography machine na mabilis na naiguguhit ang larawan ng suspek na parang litrato.

Bagama’t may DNA machine na rin ang PNP simula pa noong 1996, layon din ng kanilang pamunuan na makakuha ng mitochondrial DNA machine na magpapadali sa pagtukoy ng nagmamay-ari ng DNA sa tatlong araw kumpara sa kasalukuyan na umaabot ng isang buwan. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply