Porke at dinaya

ANG sabi ng isa sa maraming opinyon na naririnig natin tungkol sa ginagawang imbestigasyon sa dayaan daw sa halalan ng 2004, hindi pa rin naman sigurado na porke at nandaya ay nanalo na.

Sabi nga ng isang eksperto sa pulitika, hindi naman natin basta mapatutunayan na nandaya kasi si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kaya siya nanalo noong 2004.

Kailangan pa ang malalim na pagbubungkal ng mas marami pang ebidensya para mapatunayan ang iniisip ng ilan na kaya nanalo si GMA ay nandaya siya sa Mindanao sa tulong nga raw ni Lintang Bedol at sa tulong ng malawakang ballot switching sa Kongreso na ikinakanta ng mga sundalo.

Pwedeng nandaya nga si Gng. Arroyo pero para manalo, wala itong dapat na ginawa kundi para masiguro na marami ang kanyang lamang kay Fernando Poe.

Di ba nga at ang sabi raw ng isang boses na tumawag sa isang nagngangalang Garci na pinagbibintangan na si Gloria Arroyo ay gusto niya na lumamang ang kanyang boto ng “at least 1 million”?

Kung sigurado nga tayo na handa nating pag-aksayahan ng panahon at pera ang pagbungkal sa kaso ng  mga dayaan sa halalan, dapat lahat ay bungkalin na.

May mga pulitiko na naghuhumiyaw na dinaya sila dahil akala nila ay yun ang dahilan ng kanilang pagkatalo.

Pwedeng nadaya pero panalo nga ba?

Imposible naman kasi na bilangin ulit ang lahat ng boto dahil lang may nagrereklamo na kandidatong natalo dahil nadaya raw.

Muli ang punto ko, delikado ang sinusuong na ito ng administrasyon, ang pagtutok sa dayaan na kinasasangkutan lang ni GMA.

Kung aayusin natin ang sistema ng eleksyon sa bansa sa pamamagitan ng pagkalkal sa mga lumang kaso ng dayaan hindi lang dapat noong 2004, kundi siguro sa lahat ng dayaan nang nauna pang mga taon.

Mahirap yun para sa isang bansa na nagpipilit pang umahon mula sa pagkalugmok ng ekonomiya.

Sana ay hindi tayo mawala sa pokus, na ang intensyon natin dito ay magkaroon ng mga bagong batas, sa pamamagitan ng lehislatura, na magsasaayos at gagamot sa bulok na sistema ng ating halalan.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply