Presyo ng gasolina, iba pa bababa ng P5

TINATAYANG P5 kada litro ang ibabagsak ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo sa mga darating na araw bunga ng pagbaba ng credit rating ng Estados Unidos.

Sinabi ni Sen. Ralph Recto, chairman ng Senate committee on ways and means, na ang magiging pakinabang ng Pilipinas sa credit downgrade ng US ay ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo at paglakas ng halaga ng piso kontra dolyar.

Ipinaliwanag ng dating secretary-general ng National Economic and Development Authority (NEDA) na sa pagbaba ng rating ng Estados Unidos sa “AA+ with negative outlook” mula sa rating na “AAA,” hihina rin ang konsumo ng langis sa nasabing bansa.

“Mahina ang ekonomiya ng Amerika dahil summer ngayon dun. Dahil mahina ‘yan, walang kumpiyansa ang taong gumastos diyan, hindi magmamaneho masyado, hindi magpapalagay ng gasolina masyado so hihina ang demand ng gasolina kaya ngayon ang merkado bumabagsak ang presyo ng gasolina so yun pakinabang sa atin ‘yun,” paliwanag ng senador.

“Ano ang unang-unang malaking benepisyo sa atin dito? Bababa ang presyo ng langis. At least P5 rollback,”ani Recto.

Sinabi pa ni Recto na kung tama ang magiging diskarte ng administrasyong Aquino sa harap ng problema ng US, maaaring lumakas ang halaga ng piso kontra dolyar sa P 40.

Aniya, malaki ang magiging savings ng gobyerno sa foreign loan bagama’t liliit naman ang halaga ng remittance ng overseas Filipino workers (OFWs).

Nagbabala naman si Recto na kapag pumalpak ang gobyerno sa pagharap ng krisis sa US, baka naman humina ang halaga ng ating currency at umabot ito sa halagang P50 kada dolyar.

“Posible ‘yung P40. It depends. If we don’t act properly also, the peso can fall to P50 depending in what we do,”ani Recto.

Isa sa mga unang inirekomenda ni Recto sa administrasyong Aquino ay gastusin ang budget para sa taong 2011 at huwag tipirin dahil hindi ito nakatutulong sa pag-angat ng ating ekonomiya.

“Gastusin muna natin ang budget ng tama lalo na sa domestic economy. Pagandahin natin ‘yung ating imprastraktura, ang mga eskuwelahan at ospital. Let’s focus on these three items which will make us more competitive,” paliwanag ng senador.

Iginiit din ni Recto na isantabi muna ang Public Private Partnership (PPP) program ng Aquino administration dahil ang kailangan ngayon ay ang tamang paggastos ng budget ng gobyerno.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply