Resolusyon ng election fraud cases padadaliin

KUNG ang Commission on Elections (Comelec) ang masusunod, magiging di hamak na mas madali na resolusyon ng mga kaso kontra sa mga pulitikong nandaya upang manalo sa eleksyon.

Ayon sa Comelec, sisikapin nitong kinisin ang buong proseso ng eleksyon, kabilang na ang pagtanggal sa puwesto ng mga kandidatong nandaya.

Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na bukod sa mga nandayang kandidato, ipakukulong din ang mga nag-ambag o tumulong sa pandaraya.

Ayon kay Jimenez, hindi titigilan ng poll body ang kaso kahit natapos na ang termino ng mga pulitikong kaugnay nito.

Aniya, ang basehan ng gagawin ng Comelec ay isang batas ukol sa election sabotage na ipinasa noong 2004.

Idinagdag ni Jimenez na walang prescription period ang mga election-related offenses na nabanggit sa batas kaya’t maaaring balikan ang mga insidenteng may ebidensiya ng pandaraya.

Aniya pa, ikakabit na ang mga kuwento ng protesta at akusasyon ng pandaraya laban sa mga nanalong kandidato sa kasaysayan ng mga eleksyon sa Pilipinas.

“Hindi lang naman election offenses ang hinahabol natin. May mga nakapalibot na iba pang offense d’yan na (tulad ng) bribery. So, isang complex ‘yan ng iba’t ibang krimen na sabay-sabay ginawa para ma-achieve ‘yung goal, which is cheating,” paglilinaw ni Jimenez.

Nagbabala si Jimenez na ituturing na heinous crime na walang kaukulang piyansa ang gawaing kaugnay ng pandaraya sa eleksyon.

“Hindi natin gagawing isyu ‘yung kung sino ang nanalo. Ang isyu ay kung talagang meron bang gumawa ng krimen. Kapag may nahuli tayong gumawa ng krimen o kapag may nakita tayong probable cause, kakasuhan po natin,” pahayag ni Jimenez.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply