Puna at papuri sa SBMA

MINSAN nang tinawagan ng pansin sa pitak ng Huli Yan ang hinggil sa reklamo ng mga manggagawa at estudyante sa Subic Bay Freeport hinggil sa anila’y hindi magandang serbisyo ng pampublikong sasakyan na bumibiyahe rito.

Reklamo ng Freeport community ang umano’y hindi regular na biyahe ng mga FB passenger van ng nag-iisang transport service provider dito na Winstar Transport Service na kung hindi anila atrasado ay wala ang mga ito sa kanilang regular na ruta.

Maraming beses nang may naghain ng petisyon tungkol sa usapin na ito upang maiparating sa mga kinauukulan at maipabatid ang kahalagahan para sa mga pasahero ang masasakyan para hindi sila ma-late sa pagpasok sa kanilang pinaglilingkurang kompanya at pinapasukang eskuwelahan.

Kapag nawawala kasi ang mga Winstar passenger van nito ay napipilitang sumakay ang commuter sa mga taksi na napakamahal naman sumingil.

Halagang P50 para sa biyaheng Central Business District samantalang P70 hanggang P120 naman kung sa mga industrial park o sa housing areas na lubhang napakabigat para sa ordinaryong obrero lalo na sa mga estudyante.

Sana ay matugunan ng mga nanunungkulan sa SBMA ang karaingan ng mga pobreng manggagawa at estudyante sa Subic Freeport area at nangangako naman ang Huli Yan na babantayan natin ang kaganapan hinggil rito.

o0o

Nabanggit din lang natin ang mga kaganapan diyan sa Subic Freeport, isang kapuri-puring departamento riyan ang Public Relations Office na pinamumunuan ni Armie Llamas dahilan sa kabi-kabila ang mga community relations project ng departamentong ito na inilulunsad sa mga komunidad sa paligid ng Freeport zone.

Nariyan ang pag-ayuda sa mga kapatid nating katutubong Aeta sa kanilang mga project  areas sa lungsod ng Olongapo at  Hermosa, Bataan at maging sa liblib na lugar ng Sitio Canawan sa bayan ng Morong, Bataan.

Suportado rin ng SBMA-PRD, maging ang mga samahan ng mga mangingisda sa Subic Bay na kung saan ang pinakahuling proyektong inilunsad ng mga ito ay ang mga artificial reef sa mga barangay ng Pundaquit at San Miguel sa San Antonio at sa barangay Cawag sa Subic, lahat sa lalawigan ng Zambales. Mayroon din nito sa Olongapo City at sa Barangay Sabang sa Morong Bataan.

Simpleng mga proyekto subalit malaking bagay para sa mga tao sa mga komunidad kung kaya’t marapat lamang na papurihan ang SBMA Public Relations Department ng SBMA. Mabuhay kayo!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply