Rafanan sinibak sa Comelec-DOJ joint panel

TULUYANG sinibak ng Commission on Elections (Comelec) si Atty. Ferdinand Rafanan hindi lamang bilang law department head ng poll body kundi maging sa joint panel ng Comelec at Department of Justice (DOJ) na mag-iimbestiga sa 2004 at 2007 poll fraud dahil umano sa pagiging matigas ng ulo nito.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., nagkasundo ang mga miyembro ng Commission en banc sa isang special meeting nitong Biyernes, Agosto 26, sa isang unanimous decision na tuluyan na ngang alisin si Rafanan mula sa DOJ-Comelec panel.

Paliwanag ni Brillantes, mahirap kausap at matigas ang ulo ni Rafanan at lahat ng utos ng Commission en banc ay sinusuway nito.

“Kinokontra niya lahat ng orders namin, ‘di niya sinusunod. Gusto niya nasa Law Department siya at nasa DOJ-Comelec panel siya. Sabi namin ‘di pwede. Nung Wednesday sabi niya payag siya, nung Thursday nagbago ang isip,” paliwanag ni Brillantes.

“Sabi namin ‘di talaga siya marunong sumunod. Mahirap kausap. Talagang matigas ang ulo,” aniya pa.

Aminado rin si Brillantes na hindi nila nagustuhan ang ginawa ni Rafanan na kaagad na tumakbo sa media nang magkaroon ng problema sa halip na makipag-usap sa kanila.

“Kung meron siyang mga problema, i-discuss namin, ‘wag sana siya tumatakbo agad sa media.”

Una nang inalis mula sa Comelec law department head si Rafanan dahil sa sigalot nito sa kaniyang deputy at pansamantalang inilipat sa Comelec-DOJ investigating panel na magtatagal sana sa loob ng tatlong buwan.

Gayunman, nagdesisyon ang Commission en banc na alisin na rin siya sa DOJ-Comelec panel, at gawin na ring permanente ang pagsibak sa kaniya mula sa law department.

Pinag-aaralan pa umano ng en banc kung saang departmento ito ililipat, bagamat tiniyak na ang ibibigay na puwesto kay Rafanan ay katulad sa dati nitong ranggo.

Matatandaang unang napaulat na ang sinuspindeng si Atty. Allen Francis Abaya, na isa sa mga isinasangkot sa P690 million ballot secrecy folder scam, ang itinalaga bilang kapalit ni Rafanan bilang law department head.

Gayunman, ipinaliwanag ni Comelec Spokesman James Jimenez na lateral lamang ito at si Commissioner Rene Sarmiento ang itinalagang maging officer-in-charge ng naturang departamento.

Wala pa rin namang hinihirang ang poll body na makakapalit ni Rafanan sa Comelec-DOJ joint panel at inaasahang malalaman ito sa susunod na linggo.

Samantala, itinanggi rin ni Brillantes na pinagbawalan nila si Rafanan na magbigay ng panig hinggil sa isyu.

Aniya, wala silang kautusan na nagbabawal kay Rafanan na magsalita sa media.

Nilinaw ni Brillantes na maaaring magbigay ng kaniyang panig si Rafanan hinggil sa pagkaka-alis sa kaniya sa puwesto.

Una nang tumanggi si Rafanan na magbigay ng kaniyang panig sa isyu at sinabing pinagbawalan siya ng Commission en banc na magsalita sa media. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply