Sektor ng agrikultura umangat ng 5.48%

NAKAPAGTALA ng 5.48% na pag-angat ang sektor ng agrikultura sa unang anim na buwan ng 2011 matapos maabot ang pinakamataas na produksyon ng palay at mais.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso J. Alcala, dahil sa naitala ang pinakamataas na ani ng palay at mais sa lahat ng panahon na umabot sa 7.58 milyong metrikong tonelada (MT) at 3.31 milyong MT, ayon sa pagkakasunod, nakaungos din ng 11.1% ang crops subsector.

Mahigit kalahati o 51.8% ang naaambag ng crops subsector sa kabuuan ng produksyon ng agrikultura.

Bahagya ring tumaas ang produksyon ng livestock at poultry subsectors na umangat ng 0.85% at 3.6%, ayon sa pagkakasunod, na nakatulong din sa kabuuan ng sektor pansakahan.

Samantala, bumagsak naman ng 2.9% ang sektor ng pangisdaan sapagkat bumaba ang huli ng mga komersiyal at munisipal na mangingisda sa unang semestre ng taon.

Kung susumahin naman ang kabuuang halaga ng produksyon, nasa P706.4 bilyon na ito kung babatayan ang kasalukuyang presyo. Mas mataas ito ng 16% kung ihahambing sa antas noong nakaraang taon.

Sa mga pangunahing pananim, ang tubo ang pinakanakabawi mula sa epekto ng tagtuyot noong nakaraang taon. Umangat ito ng 75.6%. Maganda rin ang naging produksyon ng tabako na tumaas ng 11.5%; goma 6.2%; pinya 3.2%; saging 1%; at abaka (1.2%).

Nasa P411.8 bilyon, sa kasalukuyang mga presyo, ang gross ng crops subsector na mas mataas ng 31.1% kaysa noong 2010.

Ang livestock subsector, na nagtatala ng 15.3% ng kabuuan ng agricultural production at nakapagtala ng 0.85% pag-angat sa produksyon ngayong taon ay may hog output na tumaas ng 1%.  Nagkakahalaga ang gross nito ng P103.1 bilyon batay sa kasalukuyang presyo, at mas mababa ito ng 1.6% kung ikukumpara noong nakaraang taon.

Umangat naman ang poultry subsector ng 3.6%. Ang gross nito ay nasa P77.8 bilyon. Resulta ito ng pagtaas ng produksyon ng manok na umabot sa 3.8% habang ang itlog naman ay tumaas din ng 3.5%. Ang nasabing subsector ay nag-aambag ng 13.4% sa kabuuan ng agricultural production.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply