Senador tinaguan ng staff sa pagbubukas ng sesyon

KAAWA-AWA naman ang mambabatas na ito dahil nahilo na sa kahahanap ng kanyang staff ay kahit isa wala man lamang itong makita.

Sa nasaksihan ng matang kuwago ng Remate sa pagkaasar ng mambabatas sa kahahanap ng kanyang staff ay inutusan na lamang nito ang isa sa mga page staff upang hanapin ang kanyang staff subalit maging ang page staff ay hindi makita ang staff ng senador.

Ang nangyari, walang nagawa ang mambabatas kundi bumalik na lamang sa kanyang upuan at magkunwaring busy gayong naiirita na siya.

Kaya maging ang mga papel at librong nasa lamesa niya sa sesyon hall ay kanyang ginawang libangan na hindi naman niya malimit ginagawa ang magbasa maliban  na lamang sa mga papeles na iaabot ng kanyang staff.

Nakalimutan kasi ng mambabatas na hindi pala nauupo sa regular na puwesto niya ang kanyang staff sa tuwing magbubukas ang sesyon mula sa bakasyon.

Ang siste, ang kanyang staff ay wala na palang mapuwestuhan kaya ang ginawa ay tumayo na lamang sa isang sulok malapit sa pintuan ng sesyon.

Sa bandang huli, nang hindi na makita ng mambabatas ang kanyang staff ay kanya na lang itong itinext.

Sa hindi malaman kung saang lupalop ng mundo ay biglang lumitaw ang mismong Chief of Staff (COS) ng senador na tipong hindi lamang to the rescue kundi maging ang kasuotan nito ay nakaaakit at nais yatang akitin ang boss o ang sinomang bisita sa sesyon.

Ang siste, ang COS pala ni mambabatas ang kanyang back staff ng mga oras na iyon at kaya pala hindi makita ni senador ang sinomang staff nito ay busy sa pakikipagdaldalan ang COS.

Ewan lamang natin kung ano ang pinag-uusapan nila ng kanyang katsismisan, pero isa lang ang sigurado – lalaki ang kanyang kakwentuhan.

Basta ang mambabatas na ito ay mahilig manghipo, este, mangurot pala.

Paborito rin niya ang letrang GMA as in Gloria etc.

Ang kanyang COS ay minsan na ring nasaksihan ni matang kuwago na nakikipaglandian sa kanyang lalaki, este boyfriend pala, sa Senate lounge.

Kung hindi ninyo siya kilala, tiyak na hindi magara ang inyong buhay dahil ang kanyang motto sa kampanya basta siya ang inyong binoto ay tiyak na magiging magara ang inyong buhay.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply