Sex trafficking tutuldukan ni PNoy

IPINANGAKO ngayon ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na mahigpit at seryosong kampanya laban sa sex trafficking ang kinakailangang ipatupad upang matuldukan ang pagkakasadlak ng kabataan bilang sex
workers.

Nangako si Aquino matapos matanggap ang petisyon ng humigi’t kumulang 470,000 indibiduwal na nananawagan sa pamahalaan na tuluyang puksain ang pangangalakal ng mga kabataan upang maging sex workers.

Ang naturang bilang ng mga pumirma ay ‘di hamak na mas malaki sa 150,000 na target ng mga nag-organisa ng nasabing kampanya.

Binanggit ng Pangulo ang kahandaan ng pamahalaan na isakatuparan ang mga layunin ng Anti-Trafficking in Persons Act at ang pagbibigay ng proteksyon at tulong sa mga nagiging biktima nito.

Idinagdag din ng Pangulo ang patuloy na pagsuporta ng Pilipinas sa mga adbokasiya laban sa human at sex trafficking kasabay ng pagmamalaki sa natanggap ng bansa na upgraded Tier 2 rating list mula Tier 2 Wathclist ng State Department Trafficking in Persons (TIP) 2011 report sa Estados Unidos.

Ang naturang petisyon na inorganisa ng Body Shop at End Child Prostitution, Child Pornography, and the Trafficking of Children for Sexual Purposes (ECPAT) sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakakuha ng kabuuang 473,489 na pirma mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Inamin din ng Pangulo  na nahihirapan ang administrasyon sa mga sunud-sunod na pagsubok na hinaharap nito sa kasulukuyan, ngunit naniniwala siyang masusugpo ang sex trafficking sa lalong madaling panahon sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor at lahat ng mga Pilipino. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply