Signal No. 4 ikinasa sa 3 lugar

HABANG isinusulat ang balitang ito, Agosto 27, binayo na ng super typhoon Mina (international codename Nanmadol) ang Cagayan province kaya ikinasa na ang Signal Number 4 sa tatlong lugar doon.

Ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) supervising secretary Graciano Yumul, ang “eyewall” pa lamang ng bagyo ang tumama sa Cabutunan Point, Cagayan dakong alas-5:30 ng madaling araw pero ang mismong mata nito ay hindi pa tumatama ng lupa.

Ayon sa natanggap ni Yumul mula sa field report, nakaranas ang Ilocos Sur, Ilocos Norte, Baguio City, Kalinga, Apayao, Cagayan, Isabela at Bayombong sa Nueva Vizcaya ng malakas na pag-ulan at hangin.

Ipinaramdam ng bagyong Mina ang kanyang pananalasa, isang araw matapos iulat ng PAGASA na ito ay palayo na ng Pilipinas mula sa arkipelago.

Nitong nakaraang Biyernes, nadaplisan ng naturang bagyo ang Cagayan at kumikilos ito patungong Taiwan kaya naman napilitan ang PAGASA na ideklara ang Signal Number 4 sa northern part ng naturang probinsiya kung saan naramdaman ang bagsik at puwersa ng bagyo na isang pambihirang pangyayari sa kasaysayan sa pag-uulat ng panahon.

Kung maaalala, idineklara na rin sa unang pagkakataon ng PAGSA ang Signal Number 4 nang bayuhin ng super typhoon Milenyo ang bansa may ilang taon na rin ang nakakalipas.

Huling namataan ang typhoon Mina sa layong 90 km hilaga silangan ng Tuguegarao City Sabado ng madaling araw at nagtataglay ito ng lakas ng hanging aabot ng 195 kph malapit sa sentro  at pagbugso na aabot sa 230 kph.

Sa kabilamg dako, sinabi ni Yumul na may isang high pressure area na nasa hilagang bahagi ng Pilipinas ang posibleng magpa-iba ng direksyon ni Mina at imbes sa Taiwan ay sa Hong Kong ito magtungo.

Sa Linggo, Agosto 28, inaasahan itong nasa 150 km hilaga ng Aparri, Cagayan o 150 km hilaga hilaga kanluran ng Basco, Batanes sa Lunes ng umaga at ito ay nasa 330 km hilaga ng Basco, Batanes ng Martes ng umaga.

Ang mga lugar na nasa ilalim ng Storm Signal No. 4 ay ang Northern Cagayan, Calayaan at Babuyan Group of Islands samantalang Storm Signal No. 3 na ang ikinasa sa Isabela, Cagayan, Batanes Group of Islands at Storm Signal No. 2 naman sa Northern Aurora, Quirino, Ifugao, Mt. Province, Kalinga, Apayao at ikiansa ang Storm Signal No. 1 naman sa Aurora, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Benguet, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Abra. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply