Silat na one-strike policy

NOONG Enero ng taong kasalukuyan, ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Raul M. Bacalzo ang pagpapatupad ng one-strike policy sa carnapping at iba pang high-profile cases sa mga police commander sa buong bansa bunga ng carnap-slay kay car dealer Venson Evangelista.

Si Evangelista ay dinukot at tinangay umano ang sasakyan sa Quezon City ng kilalang grupo ng sindikato ng carnapping na ang kinilalang lider at ilang miyembro ay naaresto at nakapiit na sa Bureau of Jail Management and Penology.

Dahil sa kasong ito, sinibak sa puwesto ang paparetirong commander ng Kamuning Police Station.

Layon ni Bacalzo sa pagpapatupad ng one-strike police na hikayatin ang mga opisyal ng pulisya na doblehin ang kanilang sipag sa pagtatrabaho laban sa kriminalidad.

Ipinaliwanag ni Bacalzo na kapag may naganap na malaking kaso o sensational sa isang lugar, ang chief of police o station commander ay masisibak base sa panuntunang “command responsibility.”

Nitong nakalipas na Hulyo 25, si Marlon Quiocho, driver ng mag-asawang Attorney at Judge Raul Vasquez, ng Tandang Sora, Quezon City, ay pinatay ng hindi pa nakikilalang grupo ng carnappers na tumangay ng minamaneho nitong Mitsubishi Montero.

Para sa pamilya Quiocho, naging kahindik-hindik ang pagkamatay ng kanilang kaanak sa kamay ng mga kriminal na patuloy na malayang nakagagala sa lungsod.

Maging ang mabait na mga  amo  ni  Quiocho  ay naghihinagpis na sana ay tinangay na lang ang kanilang sasakyan at hindi na lang pinaslang si Marlon na napamahal na rin maging sa kanilang mga anak dahil sa maayos na serbisyo nito sa kanilang pamilya.

Sa karumal-dumal na krimeng naganap sa area na nasasakupan ng Quezon City Police Dis-trict (QCPD) -Talipapa Police Station, bakit hindi kumilos si QCPD director Chief Superintendent George Regis upang magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa kakulangan ng station commander na si Superintendent Carlito Feliciano?

Dahil ba sa naniniwala si Regis na walang pagkukulang si Feliciano dahil  ginawa nito ang nararapat o dahil sa miyembro ito ng isang maimpluwensiyang relihiyon?

Ilan na rin naman ang nakausap ng PAKUROT na miyembro ng nasabing relihiyon na nagsasabing hindi nila kinukunsinti ang mga hindi magagandang gawain ng kanilang “kapatid.”

Batid din ng mga ito na ginagamit din ng ilang umanib sa kanilang relihiyon ang kanilang impluwensiya sa pamahalaan.

General Regis, maganda siguro kung sibakin muna sa puwesto si Feliciano habang isinasagawa ang imbestigasyon upang makita kung talagang may pagkukulang siya sa pamumuno sa mga pulis sa kanyang nasasakupan na dapat sana ay nasa kalye para magpatrulya nang sana’y napigilan ang krimen.

Nais po ba ninyong ibahagi ang hindi magandang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari po kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11-@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply