Simula na ng gamitan

NAPAKAAGA pa para mamulitika, pero ngayon pa lamang nagsisimula nang pumapel ang ilan sa kanila at nagpapanggap na nagmamalasakit sa ating mga OFW.

Walang patumanggang mga pangako na ang binibitawan nila sa ating mga OFW at maging sa mga pamilya nila. Gayong napakalayo pa ng eleksyon, nagpopormahan na nga ang mga ito.

Nagtungo pa nga ang isang pulitikong ito sa bansang napakaraming mga OFW. Nangako ito ng langit at lupa na gagawin ang lahat bilang tagapagtanggol ng OFW.

Maigi naman at may isang OFW naniwala sa kanya. Kaya naman agad itong sumulat sa pulitiko at humihingi ng tulong. Nang makuha ang naturang liham, agad tanong ni pulitiko kung gaano ba kalaki ang pamilya ng OFW at anong mapapala’ niya o kapalit kaya kung tutulungan ang isang OFW na napapaniwala niya dahil dumalaw nga naman ito sa bansang pinagtatrabahuhan ni kabayan.

Haiiiii simula na nga ng plastikan… ng gamitan …ng lokohan na naman! Pero matalino na ang ating mga OFW .. hindi na sila basta-basta nagpapadala at nagpapapaniwala’ sa mga katulad nitong bulok na pulitikong ito.

Magkapatid na inaabuso sa Oman

Lumapit sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990 AM si Annabelle Paragas para sa mga anak na sina Merry at Mary Ann na parehong tumakas mula sa kanilang employer dahil sa reklamong seksuwal na pang-aabuso. Agad namang nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa Philippine Embassy natin sa Oman at sumaklolo naman si Welfare Officer Habib Malik at naka-ugnayan na niya ang magkapatid at pinayuhang magtungo na sa embahada dahil natatakot pa sila noong una na baka ibalik sila sa employer. Tiniyak naman ni Malik na hindi mangyayari ang kanilang pangamba. Kumilos din ang POEA at naglabas ito ng 15-araw na palugit sa ahensiyang Al Miladi na padalhan ng plane ticket ang ating mga OFW at asikasuhin ang pag-papauwi sa magkapatid.

Naka-hold ang visa patungong Qatar

Nagreklamo ang OFW na si Henry Guita Reyes dahil hindi siya nakaalis patungong Qatar. Nag-apply bilang trailer truck driver sa Dreamforce Agency at matapos magbayad ng processing fee at nakapagpamedikal na, ayon ‘anya sa recruitment supervisor na si Dolor Marcellana, naka-hold ang visa ni Henry. Agad namang naitakda ang mga pagdinig sa tanggapan ng POEA at NLRC hinggil sa reklamong ito ni Henry.

Iniwanang utang sa Saudi, kapwa OFW pinagbabayad

Lumapit naman ang ina ng ating OFW na si Juana Dayo hinggil sa problema ng anak na si Aisha Dayo na kasalukuyang nasa Riyadh, KSA. Ayon kay Nanay Juana, may ka-roommate si Aisha na ang pangalan ay Lea Chua Genetica. Ginawa nitong co-maker si Aisha sa loan nito sa Saudi. Ngunit nang umuwi na itong si Lea, hindi niya binayaran ang naturang utang na nagkakahalaga ng 7,000 Saudi Riyal o katumbas na halagang P80,000.

Agad namang nagtulungan ang Bantay OCW at Integrated Bar of the Philippines (IBP). Nagtungo naman ang ina ni Aisha sa tahanan ni Lea sa San Jose del Monte, Bulacan at nangako itong si Lea na isasaayos niya ang utang sa Saudi at magpapadala na muna ng patiunang P30,000. Binabantayan namin ang pagtupad ni Lea sa kanyang pangako dahil naiipit naman si Aisha na co-maker niya sa Saudi at siyang sinisingil doon.

Hindi po tama na basta na lamang ninyong tatalikuran ang inyong obligasyon sa ibayong dagat, dahil ipinapahamak naman ninyo ang kapwa OFW. At dito sa Bantay OCW, hindi tayo papayag na mang-aabuso kayo at hahanapin at hahanapin namin kayo upang papanagutin sa inyong mga obligasyon.

Labis na trabaho sa Dubai

NAGREKLAMO naman si Marilou Rafael sa Bantay OCW, ina ng OFW na si Michelle at kasalukuyang nasa Dubai hinggil sa labis-labis na oras ng pagtatrabaho.

Walang hawak na kontrata ang ating OFW at hindi rin nito nakukuha ang kanyang suweldo.

Agad namang nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa tanggapan ni Atty. Alejandro Padaen ng POEA at binigyan nila ng 15-araw na palugit ang Blazing Star Manpower Agency upang makipag-ugnayan sa employer ni Michelle at asikasuhin ang pagpapauwi sa ating OFW.

Ang magandang balita nakauwi na nga si Michelle noong Agosto 8, 2011 at nais na lamang nitong mabawi ang sahod na hindi ibinigay ng employer sa Dubai.

Ang Blazing Star  pa rin ang papapanagutin natin upang makuha ni Michelle ang perang katumbas ng pinaghirapang pagtatrabaho sa Dubai.

Illegal recruitment patungong China

Dating OFW sa Riyadh, KSA si Arceli Angeles. Muli siyang nagka-interes na mag-abroad at nag-apply naman kay Joan Biancas o Jona Manisa na nakilala niya sa dalawang pangalan. Sa bansang China ang ipinapangako naman nitong pagdadalhan sa kanya.

Nagbayad si Arceli ng P 17,000 bilang processing fee pero hindi naman siya napaalis ni Joan. Sa oras ng programa ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990, agad naming tinawagan si Joan on-the-air upang ipaalam sa kanya ang naturang reklamo at kakasuhan namin siya ng illegal recruitment.

Kinabukasan din, nakipag-ugnayan si Joan sa OFW at agad isinauli ang kabuuang halaga kay Araceli sabay pakiusap itong huwag na siyang kasuhan.

***

BANTAY OCW PROGRAMS:
TELEBISYON : NBN Channel 4 (Monday to Friday 10:10pm -11:10pm)  www.ptni.tv
RADYO : RADYO INQUIRER 990 DZIQ AM  (Monday to Friday 7:00-8:30pm) www.dziq.am BANTAY OCW FOUNDATION OPERATIONS CENTER  (Monday to Friday 8:00-5:00pm)
631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City
Telephone Numbers:  5357209, 8819423 at 09192140699.
Email: susankbantayocw@yahoo.com  / bantayocwfoundation@yahoo.com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply