Sindikatong nagbebenta ng PH passport nalansag

NALANSAG ng Bureau of Immigration (BI) ang sindikatong gumagawa at nagbebenta ng Philippine passport sa mga dayuhan sa bansa matapos maaresto ng operatiba ng kawanihan ang isang miyembro ng sindikato na nagtangkang gamitin ang nasabing pasaporte palabas ng Pilipinas.

Nasakote ng immigration officer sa Ninoy Aquino International Aiport (NAIA) Terminal 3 ang suspek na si Wang Jiandong habang nagbabalak sumakay ng Cebu Pacific airlines patungong Hong Kong noong Hulyo 21.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. nagpanggap na Tony Sia Ong si Wang sa pasaporteng ginamit palabas ng Pilipinas.

Gayunpaman, dahil sa hindi marunong magsalita ng wikang Tagalog, nagduda ang mga tauhan ng kawanihan sa pambansang paliparan at umamin ang akusado na isa siyang Chinese national.

Kumanta rin ang dayuhan na nakuha niya ang pasaporte sa kababayang nasa Hong Kong kapalit ng $US6,000.

Nakipag-ugnayan na rin ang tanggapan ni David sa mga awtoridad sa Hong Kong upang matunton ang iba pang kasapi ng sindikato.

Nakapagbayad na umano si Wang $US4,000 at ang balanseng $US2,000 ay babayaran nito pagdating sa Hong Kong, gamit ang pekeng pasaporte.

Bukod kay Wang, naaresto rin ng kawanihan ang isa pang Chinese national na si Ching Sum Yip sa isinagawang entrapment operation sa isang hotel sa Pasay City.

Nakuha kay Yip ang iba pang dokumento na ginagamit ng sindikato sa pamemeke ng pasaporte.

Inatasan din ni David si BI Intelligence Chief Maria Antonette Bucasas-Mangrobang upang masusing busisiin ang insidente upang matukoy kung gaano kalawak ang operasyon ng sindikato sa Pilipinas.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ni Mangrobang, karamihan sa mga biktima ng sindikato ay pawang Chinese national at nakabase ang mga kasapi nito sa Pilipinas, China at Hong Kong.

Nabatid na hinihikayat ng sindikato ang mga biktima na gumamit ng Philippine passport sa kanilang pagpasok at paglabas ng bansa upang hindi na magbayad ng immigration fees sa kanilang panunuluyan sa Pilipinas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply