Sino ang dapat managot?

ANG inyo pong lingkod ay dumalo sa 2nd Congressional Inquiry na tumatalakay sa pagkamatay ng kampeong motorcycle rider na si Maico Buncio noong Martes (Agosto 16)  sa House of Representatives, Quezon City. Ito ay sa ilalim ng House Committee on Youth & Sports Development na pinangungunahan ni Camarines Norte first district Rep. Renato Unico Jr.

Matatandaang pumanaw si Maico noong Mayo 15, 2011 sa UST Hospital sa Maynila matapos ang kanyang aksidente sa Clark International Speedway (CIS) sa Angeles, Pampanga habang ginagawa niya ang kanyang qualifying run sa nasabing race track.

Si Maico ay tumilapon mula sa kanyang motorsiklo at bumangga sa isang concrete barrier na may naka-usling tatlong bakal kung saan aksidenteng tumusok ang katawan ni Buncio na lubhang tinamaan ang kanyang kidney, atay, at iba pang internal organs.

Ang mga panauhin ay kinabibilangan ng ama ni Maico na si Yoyong, kasama sila Johnny Tan ng CIS, Macky Carapiet ng National Motorcyle Safety & Sports Association (NAMSSA), ang kinatawan ng Aeromed na unang rumesponde kay Maico, at si Benedict Arreola ng Suzuki Philippines kung saan si Maico ay official rider at miyembro ng Team Suzuki.

Sa aking obserbasyon, si Tan ng CIS at ang Aeromed lamang ang sinisisi ng mga kongresista sa pagkamatay ni Maico. Si Tan, bilang organizer ng karera at ang may-ari ng race track, responsibilidad niya ang pagtiyak na maayos at ligtas ang naturang race track bago ito gamitin sa anumang kompetisyon.

Ang Aeromed naman ay nasisisi rin dahil sa kanilang paghugot sa katawan ni Maico mula sa pagkakatusok nito sa mga bakal imbes na putulin na lamang dapat ang mga bakal bago dinala sa ospital ang sugatang si Maico.

Sinasabing sa pagkakahugot ng katawan ni Maico sa bakal, sumirit nang malakas ang dugo nito na isa sa mga sanhi ng kanyang pagkamatay ayon sa UST Hospital.  Ayon sa kinatawan ng Aeromed, kumpleto naman daw ang gamit ng kanilang ambulansya kabilang na rito ang cutting tool na sana’y ginamit ng kanilang Emergency Response Technician. Ngunit bakit kaya hindi ito ginamit?

Mukhang matatagalan pa bago matapos ang inquiry na ito o bago makagawa ng bagong batas tungkol sa safety ng ating mga atleta lalo na sa larangang ng motorsports.

Si  Tan ay isang dating karerista kaya nang magretitro ito ay gumawa ng mga race track kabilang na ang Carmona Circuit Phils. sa Carmona, Cavite at ang Batangas Racing Circuit sa Rosario, Batangas.

Ang tanging hangad lamang ni Tan, na tinaguriang Godfather of Motorsports ng Pilipinas, ay ang patuloy na pagsuporta sa ating mga karerista maging sa motorsiklo man, kotse o iba pa tulad ng go-kart, na maaaring kahumalingan ng kabataan na posible ring pumalit sa mga magreretirong atleta kaysa sila ay malulong sa mga masasamang bisyo.

Natural ang talento ng mga Pinoy sa motorsports na pinatunayan na nila Dodjie Laurel, Pocholo Ramirez, Dante Silverio at maging ng batang si Marlon Stockinger na ating nag-iisang pag-asa ngayon na makapasok sa Formula 1 racing.

Si Carapiet ay isa ring karerista dati sa larangan ng motocross, rally at jet ski, at nakapagbigay na rin ng karangalan sa ating bansa. Sa karanasan ni Carapiet ay karapat-dapat lang na siya ang tinalagang pangulo ng NAMSSA.

At ang Suzuki Philippines naman ay isa ring malaking supporter ng motorsports at maging sa iba pang sports tulad na lang ng kanilang pagsuporta sa Team Azkals.

Ang sa akin lang, sana ay magkaayos-ayos na kayong lahat para sa ikabubuti ng ating mga karerista. Magtulungan po kayo para mas lalong mapagpabuti at maitama ang mga pagkakamaling nangyari para sa mga susunod pa nating mga karerista. Alam ko namang iisa lamang  ang hangarin ninyong lahat.  At pag ito’y nangyari palagay ko ay luluwag na rin ang dibdib ng ama ni Maico na si Yoyong Buncio.

Maging ang Aeromed ay makipagtulungan din sana at hindi puro paghuhugas-kamay lang ang gagawin. At kay Markina City 2nd dist. Rep. Miro Quimbo, sana po ay huwag na kayong magbigay ng komento na hindi naman IN AID OF LEGISLATION.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply