Siyensiya at teknolohiya para sa kalusugan

LAYUNIN ng Department of Science and Technology (DOST) na pagyamanin o gamitin ang lokal na siyensiya at teknolohiya sa pagtugon sa mga pangangailangang ‘emergency’ sa mga problema sa bansa at mapaunlad ang buhay at pamumuhay ng mga Filipino.

Sa ginanap na 2011 National Science and Technology Week (NSTW) nitong Hulyo 27-30, 2011 na ang tema ay “Nasa Siyensiya Ang Pag-asa,”  na pinangunahan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino ang pagbubukas, itinampok  ang “High Impact Technology Solutions” (HITS) sa mga pangunahing problema ng bansa.

Sa talumpati ni Pangulong Aquino, ipinagmalaki nito ang mga pagbabago sa dinibelop at dinidibelop na teknolohiyang makatutulong sa mga bata at bawat indibidwal sa larangan ng kalusugan. Naniniwala ang Pangulo na ang pagkakaroon ng malusog na isip at pangangatawan ay senyales ng isang malusog na mamamayan.

Ito ay ilan lamang sa mga proyektong sinimulan ng DOST sa pamumuno ni Sec. Mario Montejo na iniulat kasabay ng pagbubukas ng 2011 NSTW.

Brown rice

Sa larangan ng kalusugan, pangunahing isinusulong ng gobyerno ang pagtatanim at pagkain ng tinatawag na ‘brown rice’ kesa sa puting bigas hindi lamang para sa mas mabuting dulot nito sa kalusugan kundi tugon na rin sa sinasabing kakapusan ng suplay ng bigas sa bansa. Bilang Filipino, pangunahing pagkain natin ang bigas kaya naman patok ang ‘unli-rice’ na nauuso ngayon sa mga turo-turo at iba pang fastfoods.

Ang brown rice ay uri ng bigas na ang ipa o yung ibabaw na balat lamang ang tinatanggal sa paggiling. Kilala din ito bilang ‘unpolished rice.’ Ang regular milled rice ay mas kilala naman bilang ‘white rice.’

Ayon sa pananaliksik ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), isang ahensiya ng DOST, mas masustansiya ang brown rice kaysa white rice. Mayaman ang brown rice sa dietary fibers, minerals at vitamin B, niacin, thiamine, phosphorous, calcium at carbohydrates.

Ang dietary fibers na taglay ng brown rice ay nakatutulong na makaiwas sa panganib ng pagkakaroon ng obesity o labis na katabaan, diabetes mellitus, sakit sa puso at ilang uri ng kanser.

Isa sa problema ng produksiyon ng brown rice ay ang sinasabing ‘short life’ nito o madaling mabulok kaya’t hindi ganap na nakapagpo-prodyus ng sapat ang mga magsasaka. Sa pagdiriwang ng National Science and Technology Week (NAST) sa SMX, Mall of Asia, Pasay City, tinukoy ni DOST Sec. Montejo na isinasagawa na ng ahensiya ang mga pamamaraan kung paano mapalalawig ang shelf life ng brown rice.

Naniniwala ang DOST na sa pamamagitan ng teknolohiya sa pagpapahaba ng shelf life ng brown rice, matutugunan ang problema ng bansa hinggil sa ‘rice shortage.’

“Kaya natin ito,” saad ni Montejo sa isang panayam sa naturang okasyon. Aniya, hinihintay na lamang nila ang resulta ng pinakahuling testing na isinasagawa sa Nueva Ecija kaugnay sa brown rice.

OL TRAP

Sa ikalawang State of the Nations Address (SONA) ni Pangulong Aquino, ipinagmalaki nito ang kontribusyon ng Ovicidal/Larvicidal Trap (OL Trap) sa pagbaba ng bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa.

Ang OL Trap ay isang teknolohiyang dinibelop ng Industrial Technology Development Institute (ITDI), isa pang ahensiya ng DOST, na pumipigil sa pagkalat ng populasyon ng Aedes Aegypti, isang uri ng lamok na nagdadala ng sakit na dengue. Pangunahing sangkap ng OL Trap ang pellet na likha ng ITDI na inihahalo sa tubig para hindi na mapisa ang mga itlog ng lamok o mapuksa na ito bago pa maging kiti-kiti.

Malinis na inuming tubig

Isa din sa pangunahing problema sa bansa lalo na sa mga malalayong lugar ang pagkakaroon ng malinis na inuming tubig.

Hindi ba’t ilang bata ang hindi nakapapasok sa paaralan dahil nauubos ang oras sa pag-iigib at pag-iipon ng inuming tubig? Marami din sa kanila ang hinahagupit ng pananakit ng tiyan dahil sa kontaminadong tubig na naiinom.

Kamakailan ay namahagi ang ITDI-DOST ng ilang unit ng low cost water filter na kanilang dinibelop sa isang national housing project ng gobyerno sa Muntinlupa City na sadyang napakahirap makakuha ng malinis na inuming tubig.

Ang filter ay yari sa isang uri ng clay o putik na kahalintulad sa materyal na ginagawang paso. Mayroon itong maliliit na butas na siyang sumasala sa mga dumi at bakterya mula sa tubig na galing sa poso o balon.

Ayon sa ITDI, ang isang unit ng water filter ay nagkakahalaga lamang ng P200-300, maliit na halaga kapalit ng malinis na inuming tubig na magagamit sa araw-araw.

Sa ngayon, ayon kay Montejo, sinisikap nilang maging available na ang teknolohiya sa merkado sa susunod na taon. Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa iba’t ibang industriya ng paggawa ng paso sa bansa para i-adapt ang naturang teknolohiya.

Malnutrisyon

Itinuturing ng health experts na ‘critical period’ sa buhay ng isang bata ang unang dalawang taon nito.

Sa talaan ng FNRI, karamihan sa problema ng malnutrisyon ay nagsisimula kapag itinigil ng ina ang pagpapasususo sa sanggol at kapag hindi naagapan ay tiyak na mauuwi o magreresulta sa ‘stunted growth’ o pagkabansot ng bata, pisikal man o sa pag-iisip.

“What happens to a child during his first two years is crucial in determining his well-being in adulthood. In fact, the damage caused by inadequate nutrition among children during their first two years is irreversible, physically and mentally,” paliwanag ni Montejo.

Pinatunayan na rin aniya ng mga sanggol na sapilitang itinigil ang pagsuso sa ina ay kadalasang pinasususo na lamang ng ‘am’ o sabaw ng sinaing na kulang sa sapat na sustansiya na kailangan ng isang bata.

Upang matugunan ang problemang ito, nagdebelop din ang FNRI-DOST ng iba’t ibang complementary foods upang madagdagan ng protina at carbohydrates sa pagkain ng mga sanggol.

Ang complementary foods ng ahensiya ay available sa 2-gram packs ng rice-mongo instant blend at rice monggo-sesame blend. Ito ay dinisenyo para sa mga batang edad 6-11 na buwan. Dinibelop din ng FNRI ang rice-mongo curls para sa batang nasa edad 1-3.

Ang nasabing complementary foods ay tinawag ding baby foods na nakapaloob sa isang ‘three-pronged project” na tinawag na ‘Package for the Improvement of Nutrition of Young Children’ o PINOY na inilunsad sa tatlong mga lalawigan sa taong ito: sa Antique, Mindoro Occidental at Leyte.

Nakatakda ding ilunsad ang proyektong PINOY sa mga bayan ng Estancia at Balasan sa Iloilo na may 250 mga bata ang magiging benipisaryo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply