Stags tinapos ang pananalasa ng Red Lions

TINAPOS ng San Sebastian College Stags ang 26-game winning streak mula sa nakaraang taong season ng defending champions San Beda Red Lions matapos ang 70-68 panalo sa pagtatapos ng 87th NCAA seniors basketball competition first round sa The Arena San Juan nitong Biyernes, Agosto 19.

Tabla ang score sa 68 matapos ibuslo ni Red Lion Dave Marcelo ang three-pointer may 2:42 pa ang nalalabi sa final canto subalit lumutang ang tikas ni Stags star player Calvin Abueva ng isalpak nito ang short jumper para sa dalawang puntos na angat may 35 segundo pa ang natitira bago tumunog ang final buzzer.

Hawak ngayon ng SSC ang 9-0 win-loss slate matapos matikman ang unang panalo sa Red Lions na isang rematch sa nakaraang taong finals matapos silang mawalis ng apat na laro.

Sa huling 14.4 segundo ay sinablay ni Stags center Ian Sangalang ang dalawang free throws kaya nagkaroon ng pag-asa ang Red Lions na manalo subalit dahil sa mahigpit na depensa ng una ay sumablay sa three-point shot si Marcelo at upang masiguro na ang panalo ay sinunggaban na ni SSC player Krushev Ferrer ang bola.

Nanguna sa opensa ng Stags si Ronald Pascual na may 23 points, pitong rebounds, limang assists at tig dalawang steals at blocks upang ilaglag sa segundo puwesto ang Red Lions na may 8-1 panalo-talo karta. Sumegundo sa scoring si Abueva na nagsalpak ng 21 puntos at walong boards.

Samantala, hindi na rin matinag sa pangatlong puwesto ng team standings ang Letran Knights matapos nilang payukuin ang Jose Rizal University Heavy Bombers, 70-59.

Tangan ng Knights ang 7-2 record matapos manguna sa opensa si Kelvin Louie Alas na tumikada ng 18 points at four boards.

Sa juniors, winalis ng reigning titlist Red Cubs ang 9-game first round nang tibagin ang Staglets, 97-68, habang may 7-2 card ang Squires matapos sugpuin ang Light Bombers, 89-76. Elech Dawa

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply