Sugal sa Rizal inaareglo

GALIT na galit umano sa inyong lingkod ang ilang opisyal ng samahan ng mga reporter na nakabase sa Rizal dahil sa ating expose dito sa Lily’s Files noong nakalipas na Agusto 20 ng taong kasalukuyan.

Nagtataka umano ang  grupo ng mga reporter sa Rizal kung bakit nag-leak at lumabas sa Lily’s Files ang talamak na sugalan sa Rizal gayong nakatimbre raw ito sa mga editor ng mga pahayagan, radio at tv at maging sa mga kolumnista.

Sinasabing  ang nasabing  reporter na galit na  galit sa inyong lingkod ay minsan na umanong nagulpi  ng mga pulis Antipolo at ikinulong dahil daw sa sobrang kayabangan nitong manakot sa mga pulis .

Ipinagmamalaki rn umano nito na malakas siya kay Rizal Provincial Director Senior Superintendent Manuel Cesar Prieto, bukod sa pagiging opisyal ng samahan ng mga mamamahayag sa nasabing lalawigan.

Sa katunayan ay mahilig din daw itong magsukbit ng baril na walang  lisensiya at permit to carry sa baywang at dahil sa pagiging isang reporter  ay hindi  ito hinuhuli ng mga puilis.

Gusto ko lamang iparating sa reporter na ito na trabaho lang  ang akin, hindi kita kilala at hindi ko rin kailangang magpaliwanag pa sa iyo kung bakit naging paksa ng aking column  ang talamak na sugalan diyan sa Rizal.

Nakarating din sa inyong lingkod na ipinagmamalaki raw ng reporter na ito sa Rizal Provincial Command na kaya niya akong ayusin at aregluhin  kung kaya agad  itong nakipag-usap kay Col. Prieto at nangakong aayusin ako.

At dahil dito ay tuwang tuwa naman ang collector ni Col. Prieto na si  Nomer Bakla dahil hindi na siya mahihirapan pang hanapin ang inyong lingkod.

Wowwwwwwww, ang bigat  ng reporter na ito.

Kung sino ka man, ay mag-pakilala ka muna sa akin, magkano ba ang kinikita mo sa mga sugalan diyan sa Rizal at umaakto kang taga-areglo?

Rizal  Provincial Director, Sr. Supt. Manuel Cesar Prieto , maraming residente ng Rizal ang nagrereklamo sa rampant na video karera o devil machine  diyan sa buong lalawigan ng Rizal pero bakit wala kayong ginagawa para  matigil ang mga ito o dili kaya ay mabawasan man lang?

Hindi na kayo naawa sa mga bata na sa halip na puma-pasok sa kanilang mga paaralan ay sa video karera pumupunta, maawa naman sana kayo sa mga magulang ng
mga batang ito.

Isang text ang aking natanggap kahapon ng umaga na nagsasabing dahil sa ating expose sa sugalan diyan sa Rizal, ay sinibak  na raw ni Rizal Provincial Director Col. Prieto ang kanyang collector  na si Nomer Bakla.

Owwwwwwwwwww, totoo lang ha?

Gusto mo bang paniwalaan namin kayo na totoong sinibak niyo na si Nomer Bakla?

O baka naman moro-moro lang yang sibakan na yan at makalipas ang ilang araw ayan na naman, makikita na naman si Nomer Bakla.

Kalakaran na yang ganyang sibakan ng collector kapag nababanatan sa diyaryo dahil ganyan din ang kalakaran dito sa National Capital Region o NCR.

Paano kaya sisibakin nitong si Col. Prieto  itong kanyang collector na si Nomer Bakla gayong malaki ang inaakyat nitong pera sa kanya dahil bukod sa pagiging tong collector nito ay  ito pa raw ang operator ng mga  nakakalat na video karera sa 13 bayan at 1 lungsod sa lalawigan ng Rizal?

Col. Prieto, Sir, patunayan  ninyo na hindi kayo nagkakamal ng salapi diyan sa pagiging Provincial Director ninyo sa lalawigan ng Rizal.

Ipasara ninyo ang lahat ng sugalan diyan at makikita niyo, sasaludo ako sa inyo.

Sa susunod  nating  column ay tinitiyak  ko sa inyo na sasabihin ko kung sino ang magaling na reporter na ito na galit na galit daw sa inyong lingkod dahil sa expose sa sugalan diyan sa Rizal.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply