Tax evasion vs Pagcor coffee supplier ikinasa

KABILANG sa 58 personalidad ang kinasuhan ng tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ang dealer ng kapeng nagkakahalaga ng P1 bilyon sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) noong nakaraang administrasyon.

Kinumpirma ni BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares na kinasuhan ng kanyang ahensya si Carlota Cristi Manalo-Tan, may-ari ng coffee shop chain sa mga casino ng Pagcor.

Si Manalo-Tan din ang nagmamay-ari ng Carmona Race Track at Promolabels Specialty Shop.

Nabatid na hindi umano nagdeklara ng tamang datos ang nasabing negosyante para sa kanyang Income Tax Return (ITR) noong 2003 at 2004.

Sa Pagcor transactions pa lang ay umaabot na umano sa P106.96 milyon ang kinita nito, maliban pa sa ibang mga negosyo.

Sa kabila nito, hindi nito nabayaran ang buwis niyang umabot na ang halaga sa P59 milyon.

Noong 2003 ay P19 milyon ang dapat na binayaran nito, habang noong 2004 naman ay P39 milyon ang kanyang bayarin.

Una nang nagpaliwanag si dating Pagcor Chairman Efraim Genuino na kung may gastos man sa coffee supply, ito ay mula 2001 hanggang Hunyo 2010.

Ayon kay Genuino, mali umano ang mga datos na ibinigay ni Pagcor Chairman Cristino Naguiat Jr. kay  Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Iginiit nitong walang anomalya dahil kung tutuusin ay nasa 25,000 katao ang naglalaro sa 13 Pagcor casino kada araw o halos 2,000 manlalaro bawat branch.

Ang nabanggit na coffee supplier ay asawa ng kaibigan ni Genuino na si Johnny Tan, na, ayon kay Naguit, ay kumita ng P700 milyon dahil walang kaukulang bidding ang pagpasok ng negosyo nito sa mga casino ng Pagcor.

Magugunitang nabanggit ni Pangulong Aquino ang nasabing isyu sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 25.

“At P100 per cup, that would be 10 million cups of coffee over the last several years,” ani Pangulong Aquino. “Where did all that coffee go? Who drank it? Perhaps we can find the people who consumed all that coffee and ask if they have been able to sleep in the last few years.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply