Tigers tinuhog ng Green Archers

PINANA ni Jarelan Tampus ang dalawang krusyal free throws upang selyohan ang 74-71 panalo ng De La Salle University Green Archers laban sa UST Growling Tigers sa nagaganap na 74th season UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum kahapon.

Tumapos ang Green Archers ng 4-3 win-loss slate sa first round elimination upang saluhan ang last year’s runner up Far Eastern U Tamaraws sa third to fourth spot ng team standings.

Angat ng tatlong puntos, 72-69 ang Green Archers may 16 segundo na lamang ang nalalabi sa final canto, tumawag ng time out si Tigers head coach Pido Jarencio upang iporma ng kanyang bataan na si 6’8 Cameroonian Karim Abdul sa quick two points at tapyasan ang lamang ng una may 12 segundo pa sa oras.

Isang mabilis na foul agad ang ibinigay ng Tigers pagkatapos nilang makapuntos upang pumuwesto sa foul line si Tampus, sinablay nito ang dalawang tira subalit agad nitong sinunggaban ang rebound upang ma foul ulit ito at muling tumira ng free throws may 11.5 pa ang nalalabi bago tumunog ang final buzzer.

Dito na siniguro ni Tampus ang panalo ng La Salle ng ipasok nito ang dalawang tira.

Si Fil-Canadian rookie Norbert Torres ang nanguna sa opensa ng Green Archers kaya naman siya ang tinanghal na “Player of the Game matapos magbuslo ng 21 puntos, walong rebounds, limang block shots at tig-isang assist at steal.

“Malaki tiwala ko kay Norbert (Torres) at marami pang makikitang magandang ilalaro niya.” kumpiyansang sabi ni Green Archers coach Dindo Pumaren.

Kumamada ng 14 points, eight boards at five assists si Tampus habang si forward Alvin Villanueva ay nag-ambag ng 10 pts., dalawang rebounds at tatlong assists.

Sa kampo ng UST sumagpang ng 21 points, 11 boards, three steals at tig isang assist at block shot si Abdul habang ang kakamping si Jeric Fortuna ay nagbuslo ng 20 puntos, limang rebounds at apat na assists.

Nasa top spot ang Ateneo Blue Eagles na may malinis na 7-0 baraha habang solo second place ang Adamson U Falcons na may 5-2 panalo-talo karta matapos dagitin sa unang laro ang UP Fighting Maroons, 72-46.

Samantala, isinugod sa Makati Medical si Green Archer Simon Atkins  matapos mabangga ito sa likuran ni Abdul sa third quarter.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply