Toyong hapon, ligtas

MATAPOS tugisin ng mga peryodista, nagsalita na rin sa wakas ang Food and Drug Administration ukol sa usaping kaligtasan ng toyo.

Nabasa namin na sinabi ni FDA assistant director Nazarita Tacandong na meron daw mga ligtas na toyo dito sa bansa.

Kasama tayo sa tumawag ng pansin sa FDA tungkol sa sangkap na 3-monochloropropane o 3-MCPD na nakasanib sa toyo.

Ayon kasi sa ulat ng mga laboratoryo sa iba’t ibang bansa, panganib sa kalusugan kapag mataas ang antas nito sa mga produktong tulad ng toyo.

Tinanong natin ang FDA kung meron ba tayo dito sa bansa ng mga sawsawang ligtas.

Lumabas sa ilang ulat ang listahan ng mga siguradong ligtas na toyo.

Gaya ng inaasahan, bida siyempre ang angkat. Sabi, ang Kikkoman na galing sa Japan siguradong sumusunod sa international standards.

E, papaano naman ang mga lokal na toyo? Dalawang lokal na toyo lang daw ang kagaya ng Kikkoman, nakasunod sa pandaigdigang pamantayan.

Paano naman kaya ang iba?

Balita namin, pinulong ng FDA ang local soy sauce manufacturers.

Malamang, inatasan sila ng FDA na pantayan ang Kikkoman sa pagsunod nito sa food safety standards. Mabuti naman at kumikilos ang FDA.

Pero mas mahalaga, tumugon sana sila sa atas ng FDA. Hindi puwedeng dalawa lang ang ligtas.

Dapat, lahat sila, humabol sa sawsawang, oops, Kikkoman.

Kailan kaya natin makikita ang bunga ng mga pagkilos na ito ng FDA?

Para matiyak ang pagsunod ng local soy sauce manufacturers, inaasahan natin na maglalagay ang FDA ng paraan para masubaybayan nila ang mga ito.

Kailangan dito, mahigpit na tutukan. Nasanay na kasi sa dating gawi.

Kailangang magbago sila kung sila ay hahabol sa kalidad ng Kikkoman.

Importante din na itatak sa kanila ng FDA na may kaukulang parusa ang hindi pagtupad sa mga pamantayan ng kaligtasan.

At mahalaga rin na tiyakin ng FDA na maipatutupad nila ang mga patakaran at parusang ito.

Kaya ba itong gawin ng FDA? O imported na toyo na lang ang bibilhin natin para sigurado?

FDA lang ang makasasagot nito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply