Toyong Pinoy lumalaban

NAGSALITA na ang isang kompanyang Pilipino hinggil sa usapin ng mas mababang kalidad daw ng lokal na toyo, at mas angat daw ang mga katulad na produkto na angkat sa Japan.

‘Yang pag-angkat, paglalabas lang ng dollar sa kaban ng bayan.

‘Yang pagtangkilik sa sariling atin, umaangat na ang mga industriya sa bansa, natutustusan pa ang ka-pakanan ng mga obrero’t kawaning Filipino.

Ayon sa Nutriasia, Inc., ang gumagawa ng mga produktong may tatak na Datu Puti, ligtas din ang kanilang toyo at ito ay sumusunod sa mga pandaigdigang pamantayan sa ligtas na pagkain.

Mukhang ang hirit ng Datu Puti ay bunga ng mga ulat ukol sa angkat na Kikkoman.

Ito umano ay ligtas sa tinatawag na 3-Monochloro-propane o 3-MCPD, ang sangkap na natuklasan sa mga sawsawan gaya ng toyo at oyster sauce na nagiging mitsa ng tumor at kanser sa katawan ng tao.

Tinukoy ng kompanyang Nutriasia na pinatunayan ng mga independent laboratory test na ligtas ang kanilang produkto.

At hangad ng kanilang kompanya na ipaalam sa mga Pilipino na may mga ligtas na produktong toyo na maaaring mabili sa ating bansa – ba’t kailangan pang umangkat?

Naungkat naman ng mga katoto natin sa media na ligtas din ang Datu Puti, kagaya ng imported na Kikkoman.

Hindi dapat magtampo sa atin ang gumagawa nito.

Hindi naman natin layunin na siraan ang mga produktong sariling atin.

Tinawag lang natin ang pansin ukol sa isang napaka-halagang usapin sa kaligtasan ng kalusugan ng mga mamamayan.

Hindi pa naman huli ang lahat.

Mabuti naman ang ginagawang pagsisikap ng Datu Puti na ipaalam sa madla na ligtas ang kanilang produkto.

Pero bakit hindi pa nagsasalita ang ibang local manufacturers?

Sana, atasan sila ng Food and Drugs Administration  na magsalita na rin gaya ng Datu Puti.

Kung hindi nila gagawin ito, baka isipin ng mga Pilipino na dalawa lang ang puwede nilang pagkatiwalaan.

Kung ligtas lang naman talaga ang mga produkto nila.

Kung hindi, aba e, huwag na nilang ibenta.

Maawa kayo sa mga Pilipinong nagsasawsaw sa toyo ninyo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply