Toyota naglabas ng mga bagong sasakyan, kampanteng makuha ang triple crown

KASABAY ng pagbukas ng Toyota Tent Event, inilunsad ng TMP ang mga pinakabagong model ng Fortuner at Hilux noong Miyerkules (Agosto 17). Ang mga upgraded na modelo ng parehong sasakyan, at iba pang mga sasakyan ng Toyota ay nakadisplay sa NBC Tent sa Fort Bonifacio, Taguig, hanggang ngayon (Sabado, Agosto 20).

Isa sa mga bagong teknolohiyang makikita sa mga bagong modelo ay ang USB at Bluetooth Connectivity sa mga sound system nito. Nabigyan din ng facelift ang mga sasakyan, lalo na ang Fortuner. Ang side mirrors nito ay mayroon na ring signal lights at gamit ang isang switch, maaari na itong tumiklop.

Kung dati ay sa mga piling modelo lamang ng Fortuner mayroong clearance at back parking sensors, lahat ng 2011Fortuner ay mayroon na ring clearance at back parking sensors. Kaya naman kahit may kalakihan ang sasakyan, walang kahirap-hirap pumarada ng paatras. Upgraded na rin ang suspensyon at under engine cover.

Para naman sa Hilux, iniba ang disenyo ng hood scoop nito sa harapan at ang gulong ng G grade na modelo nito ay mayroong 17-inch alloy wheels.

May tatlong maaaring pagpilian para sa 4×2 G variant ng Fortuner: ang Fortuner G diesel (manual), ang Fortuner G gasoline (automatic), o kaya naman ang Fortuner G diesel na automatic. Ngunit para sa mga naghahangad ng 4×4, maaari nilang piliin ang automatic V diesel variant Fortuner.

Samantala, apat na klase naman ng Toyota Hilux ang maaaring pagpilian: ang mga 4×2 manual transmission pick-up na J, E, at G variant, at ang 4×4 G variant na maaaring manual o kaya automatic.

Positibo ang Toyota na magiging maganda ang sales ng bagong Toyota at Hilux sa taong ito. Dagdag pa nila, binabalak nilang makabenta ng 600 na yunit ng bagong Hilux kada buwan at 900 naman para sa Fortuner.

Ayon pa sa marketing vice president na si Raymond Rodriguez, marami man daw ang nawala sa kompanya dulot ng nangyaring trahedya sa Japan, paniguradong malaki rin naman ang mababawi ng kompanya sa mga darating na buwan.

Katunayan, noon lamang Hulyo ay nakabenta sila ng 4,374 na yunit ng mga sasakyan, samaktuwid ay nag-numero unong muli sila pagdating sa car sales sa Pinas.

Sinabi naman ni TMP President Michinobu Sugata, kampante sila na muli nilang makukuha ang Triple Crown (na kung magkagayon ay kanilang magiging ika-10) pagdating sa car sales para sa taong ito, at siniguro rin niya na patuloy na nagsisikap ang Toyota Motors Philippines na manatiling nangunguna sa industriya ng sasakyan sa bansa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply