Travel ban ng HK sa PH patuloy pa rin

ISANG taon mula ng mangyari ang Quirino Grandstand hostage crisis noong Agosto 23, 2010 ay patuloy pa rin ang travel ban ng pamahalaan ng Hong Kong sa Pilipinas, base sa anunsyo ng Hong Kong kagabi.

Sa isinagawang press conference ngayon, Sabado, sa Hong Kong ay naging emosyunal ang mga kaanak ng mga biktima ng madugong hostage-taking. Ilan sa mga ito ay hindi na napigilan na umiyak.

Sa pinagdausan ng press conference ay makikitang nakasabit ang streamer na: “Manila Hostage Taking Tragedy JUSTICE UNDONE.”

Ayon naman sa kapatid ng isa sa mga biktima, magpapadala sila ng liham para kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na padadaanin nila kay Justice Secretary Leila de Lima.

Hindi naman ibinahagi ang laman ng nasabing sulat ngunit iisa lamang ang nais nila, ang makamit ang katarungan.

Anila, masakit sa kanila na hanggang ngayon ay wala pang nakukulong, nasususpinde o anumang konkretong pagbabago sa seguridad sa Pilipinas.

Kanila ring hinahanap ang report ng Department of Justice (DOJ) fact-finding committee ukol sa insidente kung saan anila ay wala pang naipatutupad sa mga naging rekomendasyon nito.

Kaugnay nito, nais ng isang Hong Kong parliamentarian na si Emily Law na mabigyan ng kompensasyon ang pamilya ng mga biktima.

Nagbabalak na rin ang mga kaanak ng mga biktima na idemanda na lamang ang Pilipinas lalo na anila kung wala talagang kahihinatnan ang kaso.

Samantala, tutungo sa Pinas bukas (Linggo, Agosto 21) ang ilang survivor at kaanak ng mga biktima ng hostage crisis upang makipagpulong kay De Lima.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply