US pasimuno ng Cha-cha – solon

ANG Estados Unidos ang pasimuno ng Charter Change (Cha-cha) sa bansa, ayon sa isang party-list congresswoman.

Ibinunyag ni Gabriela Rep. Luz Ilagan na ang gobyerno ng Amerika ang tumutulong para maisulong ang Cha-cha.

Ayon kay Ilagan, malaki ang pakinabang ng US sa sandaling maalis ang limitasyon sa 1987 Constitution.

Ani Ilagan malinaw na ang US government ang nasa likod ng Cha-Cha agenda subalit nasa administrasyong Aquino na umano kung lalabanan nito ang pagla-lobby ng Estados Unidos.

Giit pa ni Ilagan, naghihintay lamang ang US ng oportunidad upang samantalahin ang kayamanan ng Pilipinas sa sandaling ipagkatiwala ng administrasyong Aquino sa kamay ng mga dayuhan ang pagmamay-ari sa lupain o property sa sandaling mapalitan na ang ilang probisyon ng Konstitusyon.

Ayon pa kay Ilagan, hindi na bago ang balitang ito dahil may malaking interes sa Pilipinas ang US kaya’t isinusulong nito ang pag-aalis ng limistasyon para sa mga dayuhang mamumuhunan.

Anito, pinupursige ng gobyerno ng Amerika ang makapakinabang sa bansang tulad ng Pilipinas dahil humihina ang ekonomiya ng Amerika, lalo pa’t na-credit downgrade ito.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na ang pangakong pagtataas sa Foreign Direct Investments (FDI) na magreresulta sa Cha-cha ay hindi nagbibigay garantiya ng pag-unlad ng ekonomiya.

Sa kabilang banda, sinabi ni ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone na ang pag-amyenda ng Saligang Batas ay makaaakit ng mga dayuhang kapitalista na makatutulong sa mga proyektong Public-Private Partneship ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.

Kung dati umano ay urong-sulong ang mga banyagang investor sa paglalagay ng negosyo sa bansa, mawawala umano ang mga alinlangan ng mga ito kung mawawala ang ilang probisyon sa Konstitusyon na pumipigil sa kanila.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply