Usapan sa MILF ipinalalantad sa publiko

HINIKAYAT ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang government peace panel na tiyaking makokonsulta ang lahat ng stakeholder sa usapang pangkapayapaan bago ihain ang kontra-panukala sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagbubuo ng sub-state sa Mindanao.

Sinabi ni Escudero na dapat makalap muna ng negosyador ng pamahalaan ang lahat ng input sa bawat stakeholder upang maiwasang malubak tulad nang pagpasok ng nakaraang administrasyon sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) sa MILF na ibinasura ng Supreme Court.

“Masyadong delikadong isyu ang landas patungo sa kapayapaan sa Mindanao. Dapat mahanap ng peace panel ang tumpak na pamamaraan na hindi iniisantabi ang sinuman. Dapat kunin ang direktang partisipasyon ng lahat ng lokal at relihiyosong lider, kinatawan ng mga tribu at lahi. Inclusivity ang dapat ang isa sa pangunahing basehan ng usapan,” paliwanag ni Escudero.

Nakatakdang ihain ng government peace panel ang kanilang kontra-panukala sa MILF sa pagpapatuloy ng peace talks sa Agosto 22 na gaganapin sa Kuala Lumpur, at nanawagan din ang pangunahing stakeholder mula sa iba’t ibang lugar sa Mindanao na ilantad ang kanilang pakikipag-usap sa rebeldeng Muslim.

Sa isang informal briefing sa Camp Crame nitong nakaraang linggo, sinabi ni Pangulong Benigno Aquino na habang lumalapit na ang prospects sa pangmatagalang solusyon sa problema sa kapayapaan sa Mindanao, kailangan pa itong ayudahan ng Kongreso upang makalikha ng sub-state na niyayakap ng MILF sa rehiyon.

Sinabi ng chief executive na kailangan magkaroon ng malawakang konsultasyon sa lahat ng stakeholder sa panukala ng MILF dahil hindi lamang problema ito ng mga Muslim.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply