Video recording sa gov’t bidding isusulong

ISUSULONG ni Senador Antonio Trillanes ang pagkakaroon ng video recording ng lahat ng bidding sa gobyerno.

Nais ni Trillanes na patibayin ang Republic Act 9184 o mas kilala sa tawag na Government Procurement Act sa pamamagitan ng pagdagdag ng probisyon na mag-uutos ng pagkuha ng video sa lahat ng pulong na may kinalaman sa proseso ng pagbili ng kagamitan ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Trillanes na simula nang maipasa ang naturang batas, walong taon na ang nakalilipas ay ang sistema ng pagbili ng pamahalaan ay nababahiran pa rin ng sabwatan, pag-abuso sa sariling pagpapasya ng mga kinauukulan at iba pang uri ng korapsyon.

Sa ilalim ng Senate Bill 179, inihain ni Trillanes, saklaw ng probisyon sa pagkuha ng video ang lahat ng miting ng Bids and Awards Committee (BAC) ng lahat ng tanggapan ng pamahalaan na may kinalaman sa proyekto na nagkakahalaga ng P1 milyon pataas.

Nakalagay rin sa panukalang batas na kailangang kuhanan ng “close-up” ng video ang lahat ng dadalo sa mga pulong. Bukod dito, lahat ng miyembro ng BAC, mga bidder, isang kinatawan ng Commission on Audit at dalawang observer ay kinakailangang magpakilala isa-isa sa harap ng kamera.

Ang mga nakuhang video ay maaaring gamitin bilang ebidensya sa korte or anumang pagdinig sakaling kailanganin sa anumang kasong legal.

Anumang paglabag sa nasabing probisyon ay may kaakibat na kaparusahan, kabilang ang multa at pagkakakulong.

Hangad din ng panukalang batas na ipawalang bisa ang isang kontrata kung napatunayang maanomalya ang naging bidding nito.

Ang panukalang batas ay isa lamang sa mga inihain ni Trillanes kaugnay ng kanyang patuloy na pakikipaglaban tungo sa malinis at marangal na gobyerno na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong sa loob ng pito at kalahating taon matapos manindigan laban sa katiwalian sa ilalim ng pamahalaang Arroyo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply