Villar: May milagro ba sa PNoy-MILF meet?

INUSISA ngayon (Lunes, Agosto 8) ng isang senador ang mga economic manager ng bansa kung may kapalit na pinansyang nakapaloob sa pakikipag-usap ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman Al Haj Murad Ibrahim sa Japan nitong Huwebes.

Ayon kay Sen. Manny Villar, nahihiwagaan siya sa madaliang pag-aabandona ng MILF sa isinusulong nitong paghiwalay ng Mindanao nang makausap si Pangulong Aquino sa isang hotel malapit sa Narita Airport sa Japan.

Humingi siya ng paglilinaw sa nasabing isyu sa mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF) at National Economic and Development Authority (NEDA) sa briefing ng P1.816-trilyong panukalang budget na pamahalaan para sa taong 2012.

Wala namang maisagot sa hearing sina Budget Secretary Florencio “Butch” Abad, Finance Secretary Cesar Purisima at NEDA Secretary General Cayetano Paderanga sa tanong ni Villar.

“Hindi naman basta-basta na lang biglang ayoko na after all these decades of fighting,” paliwanag ng senador. “Magandang malaman naman ng Senado kung magkano talaga at kung buo pa ang ating bayan.”

Ibig umanong malaman ng senador kung ano talaga ang nangyari sa nabanggit na usapan.

“Baka mayroon nang na-approve na hindi natin alam eh maganda nating malaman,”giit pa ni Villar.

Kasabay nito, kinuwestiyon din ng chairman ng Senate committee on trade and commerce kung bakit tatlong porsiyento lamang ang itinaas ng panukalang budget ng Department of National Defense (DND) sa susunod na taon.

Ani Villar, hindi ito dapat mangyari kung pursigido ang administrasyong Aquino na pangalagaan ang Spratly Islands.

Ayon kay Villar, bukod sa Spratlys ay kailangan din harapin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang banta ng Abu Sayyaf, na muli na namang nanggugulo sa Basilan at ibang bahagi ng Mindanao.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply