Wala si bantay sa Sto. Cristo

NAPAKARAMI na pong mga taal na mambabasa ng ating pahayagang REMATE ang aktibong nakikiisa sa pagbubulgar ng mga katiwalian sa pamahalaan at sa lipunang kanilang ginagalawan.

Nararamdaman nila na may kakampi sila at aalalay sa sandaling kailanganin nila ang gabay at pang-unawa ng kapwa.

Bigyang pansin natin ang text ng isang trabahador sa Divisoria sa bahagi ng Sto. Cristo sa Tondo, Manila na nais mabigyang kasagutan ang ilang krimen sa lugar na madalas niyang mamalas.

Ayon sa texter na itago natin sa pangalang Julio, halos gabi-gabi ang nagaganap na panghoholdap sa mga negosyante ng gulay, sibuyas, prutas at iba pang paninda subalit hindi ito pinapansin ng mga pulis.

Bagama’t malapit lang ang istasyon ng pulis sa nabanggit na kalye, hindi man lang matulungan ng mga nakatalagang pulis ang mga kawawang biktima dahil kadalasan walang aso este nawawala si Bantay ay pulis pala, ani Julio, na nakaabang sa presinto.

Dati-rati raw, kahit paano ay may mga nagrorondang pulis sa kanilang lugar lalo na kapag madaling araw upang maiwasang makagawa ng kasamaan ang mga kriminal. Subalit ngayon, walang nagmamalasakit sa mga mamamayang dapat sana ay pinagsisilbihan ng mga alagad ng batas na ang sahod ay nagmumula sa buwis ng taumbayan.

Nilinaw naman ng ating  source ng impormasyon na  may mga nahuhuli rin namang mga snatcher, magnanakaw at holdaper sa Sto. Cristo subalit hindi pulis ang mga nakakahuli sa mga ito kung hindi mga taga-barangay at taumbayan.

Ang masaklap ay nakalalaya muli ang holdaper, snatcher at mga kauri na nahuli dahil palangga pala ito o alaga ng mga pulis.

Nadaragdagan ang kanyang takot na mas lalong tataas ang antas ng krimen dahil palapit na naman ang Kapaskuhan.

Idinagdag pa ni Julio na sana ay bigyan pansin ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang sumbong na ito dahil naniniwala siya at ang kanyang mga kasamahan na hindi ito kukunsintihin ng alkalde.

Noong 2010 election sa Maynila, si Lim, aniya ang kanilang ibinoto dahil sa paniniwalang kaya nitong patahimikin ang lungsod at patinuin mula sa mga scalawag.

Sana nga, makapagtalaga si Mayor Lim ng mga opisyal ng Manila Police District na sasama sa kanya sa pagtunton sa “tuwid na daan” ni Presidente Noynoy Aquino.

Maraming pulis, lalo na mga opisyal, na nagsasabing bata sila ni Mayor Lim ay pawang nag-iipon na kaya naman tanggap na lang sila ng tanggap ng mga parating (payola) at kotong upang malaki ang baon nila sa kanilang paglisan, ay mali, pag-alis pala sa puwesto.

Nawa’y magamot pa ni Mayor Lim ang sakit na ito ng MPD.

Nawa’y magising siya sa katotohanan na sinisira ng mga nagsasabing tao niya ang kanyang pangalan at reputasyon na matagal na iningatan simula pa noong siya ay pulis.

Sibakin sana niya ang mga matataas na opisyal na nanghihingi ng parating sa mga station commander at unit commander na kanilang iniupo sa puwesto bagaman hindi sila karapat-dapat.

Kung nais po ninyong ibahagi ang hindi magan-dang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pa-mahalaan at pribadong indibidwal?

Maaari po kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean-11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply