Walang pagbabago

NAHULI ang dalawang pampasaherong bus na nagkakarera noong Linggo sa Commonwealth Ave. sa Quezon City. Parehong SAFEWAY Bus Lines ang mga naturang bus. May mga sakay pa silang pasahero ha. Talaga naman!

Ang ganda pa naman ng pangalan ng bus niyo pero taliwas ito sa asal ng inyong mga tsuper. Napakamalas pa nila dahil ang nakahuli sa kanila ay mismong si Mayor Herbert Bautista lang naman ng Q.C. Mabuti nga sa inyo!

Nagkataong dumaan sa nasabing kalsada ang convoy ni Mayor Bautista nang makita mismo ni Mayor ang karerang nagaganap dun. Agad nilang hinabol ang dalawang bus sa tulong ng security escorts ni Mayor at ng maabutan na nila ay si mayor mismo ang unang bumaba ng sasakyan at kinausap ang dalawang tsuper. Kamot sa ulo na lang ang nagawa nila. May speed limit na nga pero sige pa rin ang pagharurot at pangangarera ng mga ito. Walang pagbabago.

Kasalukuyang naka-impound ang dalawang bus sa Quezon City Hall.

Tatlong linggo na noong una akong manawagan kay Barangay San Antonio Kapitana Rosario Go ngunit patuloy pa rin ang dating gawain dyan. Ang aking panawagan ay ukol sa mga tambay at rugby boys na sumisingil ng fixed parking fee sa nasabing barangay lalo na sa mga kalsadang Guijo at Malugay. Tila di takot ang mga ito na makulong ayon sa nakasaad sa Anti-Mendicancy Law o Presidential Decree 1563 na ipinagbabawal ang MANLIMOS at PAGLIMOS.

Uulitin ko po ha para naman matandaan ninyo. Sa 1st offense ay may kaukulang multa at pagkakaulong ng di hihigit sa dalawang taon. Sa 2nd offense ay may kaukulang multa na mas mataas at di hihigit sa apat na taon ang ilalagi mo sa loob ng bilangguan. Ang sarap ninyo siguro makitang nakapiit sa bilangguan dahil yung iba sa inyo hindi lang panghihingi ng parking fee ang ginagawa. Ninanakawan pa ninyo ng kung anu-anong mga piyesa ang mga sasakyan o di kaya’y ginagasgasan. Walang pagbabago.

Sa Bgy. San Antonio pa nangyayari ito kung saan nakatira si Bise Presidente Jojo Binay at ang anak niyang si Makati Mayor Junjun Binay.  Aba talaga naman!

Kapitana, malaking kahihiyan ito hindi lang sa iyo ngunit pati na rin sa mag-amang Binay hindi ba? Aksyon naman po Kapitana Rosario Charito G. Go!

Eto pa. Noong kahapon, Biyernes, ay paparada ako sa Guijo St. May bakanteng slot kaya ipinarada ko ang aking sasakyan.

Aba! Ag nmagaling na tanod pinaaalis ako. Bakit? Kasi daw may flat rate ang parking na P45. Sabi ko magbabayad naman ako.

Ang sabi ng tanod, “Sir kasi yung umalis na sasakyan babalik daw kaya naka-reserve ito sa kanya.”  Walastik talaga! May ganoong patakaran pala sa barangay na iyan. Mukhang may lagayang nagaganap diyan dahil ayon sa Bgy. Coordinator na si Ms. Jhing So ay walang ganitong patakaran sa kanilang pamamahala ng parking sa kanilang barangay. Magkano kaya ang extrang kinikita ng mga tanod kung meron man?

Mapunta naman tayo sa MAPSA. Naku Makati na naman! Makati City na highly urbanized city daw ngunit parang kulang naman sa urbanidad ang iba sa mga naninilbihan diyan. Ang ibig sabihin mg MAPSA ay Makati Public Safety Assistance.

Napakaganda naman pakinggan. Eto na. Ilang linggo na ng magkaroon ng flat tire sa Guadalupe ang aking co-anchor na si Love-love Tioseco na isang instructor ng LTO Flying squad at ng PNP-HPG. Opo, babae po siya na mahusay mag-motorsiklo.

Mabalik tayo sa kanyang flat tire. Itinabi agad ni Love-love ang kanyang sasakyan at biglang nagsilapitan na ang tatlo o apat na mga naka uniporme ng MAPSA. Alam niyo ba kung anong sinabi ng isang taga-MAPSA kay Love-love? “Ma’am, Illegal Driving of Malfunctioned Vehicle po ang offense ninyo.” Ibang klase rin naman talaga! Direktor Herminigildo San Miguel ng MAPSA!!! Kahit sino po ba e pwedeng mag-apply sa MAPSA? Ayusin niyo naman ang mga tao ninyo. Akala ko public safety assistance kayo? Eh bakit may mga tao kayong ganyan?

* * *

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 8 to 10 a.m.

Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo.Sa kalakhang Maynila, ito ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable providers nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply