Walang sistema sa SSS Makati

NAKARATING sa akin ang sumbong ng maraming mga kababayan natin na minalas na mag-transact sa tanggapan ng Social Security System sa Makati City.

Galit sila sa mga opisyales at mga empleyado ng nasabing opisina dahil umano sa kawalan ng tamang sistema para mapabilis nila ang kanilang transaksyon.

Ang unang-unang inaangal ng mga “nabiktima” na nang SSS Makati ay ang kawalan umano nang mga naka-display na flow chart na kung saan ay nakasaad doon ang step by step na gagawin nang isang kliyente.

Kung may flow chart nga naman ay hindi na magsasayang ng oras na pumila ang mga tao dahil alam na nila kung ano ang gagawin at kung ano ang mga requirements para sa isang partikular na transaksyon.

Pero dahil nga sa kawalan ng simpleng flow chart na ito ay madalas na nasasayang ang oras ng mga tao.

Ang nangyayari kasi nauuna na muna silang pumila nang pagkahaba-haba at nag-antay ng pagkatagal-tagal pero pagdating nila sa counter ay sasabihan lang sila na hindi sila puwede mag-transact dahil kulang ang dala nilang dokumento o di kaya naman ay mali ang linya na pinilahan nila.

Gaya na lang halimbawa ng nangyari sa isang lalaki na nagtiyaga at halos naubos ang mag-hapon para lang kumuha ng kan-yang SSS number at ID para gamitin niya sa pinasukang trabaho.

Pero pagdating niya sa counter ay laking panlulumo niya nang sabihan siya ng empleyado nang SSS na hindi siya puwedeng kumuha ng number sa kanila sapagkat sa Taguig nakabase ang kanyang kompanya.

Pilit na nagpaliwanag ang lalaki na taga Makati siya kaya doon siya kumukuha ng SSS number pero binalewala lang ng kausap niya ang kanyang paliwanag.

Teka nga muna, di pa ba interconnected ang mga tanggapan ng SSS? Kung interconnected ito ay bakit kailangan pa na kung saan ka magtatrabaho ay doon ka kukuha ng number mo?

Tsk!tsk! base sa abot ng aking nalalaman ay maaari namang kumuha ng SSS number ang isang tao kahit saan niya gusto.

Sa oras kasi na ibigay na ito sa kanya ay ito na ang gagamitin niya sa habambuhay at kahit saan siya magtrabaho.

Ganito ang karaniwang mga eksena sa SSS Makati na naiiwa-san sana kung meron lang sistema ang mga tao dito.

Hindi ko alam kung nagtitipid o talagang ayaw lang maging matino ng mga namumuno sa SSS Makati ang kanilang pamamalakad.

Mukhang kailangang balasahin ng mga namumuno sa SSS ang mga tao sa sangay nila sa Makati para naman maging maayos na ang takbo ng transaksyon doon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply