‘Lolong’ susukatin ang laki ng National Geographic Channel, Guiness Book

IKAKASA ng National Geographic Channel mula sa Washington, D.C., U.S.A. ang pagdo-dokumentaryo sa dambuhalang buwayang si “Lolong.”

Ayon kay Bunawan, Agusan del Sur Mayor Edwin Elorde, kasama ng National Geographic Channel sa pagdating sa kanilang bayan sa Setyembre 25, ang mga validator ng Guinness Book of World Records na siyang magkukumpirma kung si Lolong ang pinakamalaking buhay na buwaya na nahuli sa kasaysayan ng buong mundo.

Ilan ding international experts ang nagpahayag ng pagdududa sa laki ni Lolong kaya naman para sa ilang lokal na opisyal ng Bunawan, ito na ang pagkakataon upang opisyal na kilalanin na ang nahuli nilang buwaya, na siyang pinakamalaki sa buong mundo.

Sa record ng Guinness, nakatala sa kanila ang 5.48 meters na pinakamalaking buwaya na nahuli sa Australia na pinangalanang Cassius Clay, ngunit sa pagsukat na Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center kay Lolong, ito ay umabot sa 6.4 meters.

Nilinaw naman agad ng spokesman ng Guinness, na hangga’t hindi nasusukat ng tama at makita na katanggap-tanggap ang kulungan ni Lolong ay hindi pa nila ito kikilalanin.

Kuwento naman ni Mayor Elorde, 24-oras na inoobserbahan ang buwaya at base sa assessment ng mga eksperto mula sa Protected Areas and Wildlife Division (PAWD) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nasa maayos naman ang kondisyon ni Lolong dahil lumalangoy at palipat-lipat na ito ng puwesto sa kanyang higanteng kulungan.

Sinabi pa ng opisyal walang dapat ikabahala kahit hindi pa kumakain si Lolong dahil normal naman ang mga pagkilos nito.

Nilagyan na rin ng closed circuit television o CCTV camera ang kinalalagyan ni Lolong para i-monitor ang pagkilos nito at upang matiyak na walang sinumang makalalapit na may masamang tangka sa nasabing hayop.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply