1 patay, 1 sugatan sa pag-atake ng NPA

NAGKABUTAS-BUTAS ang katawan ng isang residente ng North Cotabato habang sugatan naman ang buntis na kamag-anak nito nang sila ay kapwa ratratin ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) Biyernes ng gabi, Setyembre 2.

Sinabi ni Lt. Manuel Gatus ng 57th Infantry Battalion na ang biktimang si Ramilito Gonzaga, 38, ay nagtamo ng siyam na tama ng bala ng M16 rifles sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at namatay noon din.

Habang isinugod naman sa ospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan ang pinsan ng biktima na nakilalang si An-an Gonzaga, 25, ng Makilala, North Cotabato .

Ikinasa na ng awtoridad ang pagtugis para panagutin sa krimen ang mga armadong rebeldeng bumibilang ng mahigit sa 10 at nagdagdag na rin ng tropa ng sundalo sa lugar para hindi na maulit ang naturang insidente.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas 8:30 Biyernes ng gabi sa mismong bahay ng mga biktima.

Bago ito, nabatid na halos katatapos lamang maghapunan ng mga biktima nang biglang dumating sa kanilang bahay ang mga armadong rebelde at sa hindi pa malamang dahilan ay sila ay pinagbabaril at saka nagsitakas.

Kinondena naman ni Gatus ang sinabi na insidente ay isang “barbaric and inhumane” kaya dapat panagutin ang nasa likod ng pamamaslang kay Gonzaga.

Sa Agusan del Norte, napatay ang isa namang NPA guerilla nang kumasa sa tropa ng pamahalaan sa Cabadbaran City Biyernes din ng hapon.

Ayon kay PA commanding general Lt. Gen. Arturo Ortiz, ang Scout Ranger ng Class 179-11 ay nasa isang security operation sa Barangay Puting Bato nang makasalubong nila ang siyam na rebelde dakong alas-3:30 ng hapon.

Idinagdag ni Ortiz na nakaigtad ang mga rebelde at iniwan ang kanilang tinamaan na kasamahan. Narekober ng awtoridad ang isang AK47 rifle, at apat na M16 rifles.

Wala naman aniyang nasaktan o napatay sa mga tropa ng pamahalaan na kinabibilangan ng isang opisyal at anim na enlisted personnel at idinagdag na ikinasa na nila ang hot- pursuit operations laban sa mga NPA rebels. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply