15-anyos na dalagita dinukot ng 4

DINUKOT ng apat na ‘di nakilalang lalaki ang isang 15-anyos na dalagita habang ito ay naghihintay sa kanyang ama sa isang kilalang mall sa Maynila.

Si Imelda Nangca, ina ng biktimang si Rosemarie, out of school youth at residente 34 1st Alley st. Taguig City ay nagtungo sa tanggapan ng MPD-General Assignment Section upang ipagbigay alam ang pangyayari.

Ayon kay Imelda,ganap na alas-6:00 ng hapon noong Sabado, Setyembre 3, ng huling makausap ang kanyang anak habang hinihintay ang kanyang ama sa 168 Mall sa Binondo, Maynila.

“Mama dalian mo kasi may apat na lalaki na sumusunod sa akin dito,” ang sinabi umano ng dalagita.

Nabatid na namasyal umano si Rosemarie sa Moriones st.sa Tondo noong Agosto 30 upang dalawin ang kanyang tiyahin.

Nang papauwi na ito sa Taguig ay tumawag sa kanyang ina upang sabihin na hihintayin ang kanyang ama sa naturang mall na noon ay nakatakda sanang mag-deliver sa lugar ngunit hindi naman ito natuloy.

Muling tinawagan ni Imelda ang anak dakong alas-7:00 ng gabi subalit lalaki na ang sumasagot ng phone ng biktima at nang tanungin umano nito kung nasaan ang may-ari ng cellphone  ay sumagot ang lalaki na napulot lamang niya ang ito.

Labis umano ang pag-aalala ni Imelda sa sinapit ng anak dahil hindi ito sanay sa Maynila.

Maari umanong ipagbigay alam sa celphone number 09196131196 kung may makakakita sa kinaroroonan ng kanyang anak na may taas lamang na 4’11”, kayumanggi at medyo may kahabaan ang buhok. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply