2 bagong testigo sa 2007 poll fraud lumutang

DUMULOG ngayon sa Department of Justice (DOJ) ang dalawang bagong testigo sa umano’y dayaan noong 2007 senatorial elections.

Humarap sa media ang dalawang testigo na sina Atty. Lilian Radam, acting provincial election supervisor at chairperson ng Board of Canvassers sa South Cotabato noong 2007 at Atty. Yogi Martirizar, acting election supervisor at chairperson ng Board of Canvassers sa North Cotabato noong 2007, kasama si Justice Secretary Leila de Lima.

Sina Radam at Martirizar ay parehong kinasuhan ni Sen. Koko Pimentel ng electoral sabotage sa Commission on Elections (Comelec).

Sa affidavit ng dalawa ay nakasaad na direkta nilang iniugnay sa dayaan si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.

Personal mismo nilang nakausap si Abalos noong Abril 2007 sa Davao City na siyang nagbigay umano ng direktiba para siguraduhin ang 12-0 na panalo ng mga tumatakbong senador ng Team Unity sa kani-kanilang mga lalawigan.

At sa pag-uusap na iyon ay tinukoy umano ng dating chairman na galing ang direktiba sa Malakanyang na ang naka-upo pa ay si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa dalawang testigo, sila ay parehong dumanas ng matinding pressure kaya ginawa ang pandaraya.

Anila, wala silang magagawa kung hindi ang sumunod dahil may pagbabanta umano sa kanilang buhay at maging sa kanilang pamilya.

Noong panahon din na iyon ay mahigpit umano na binabantayan ng ISAFP ang kanilang mga kilos.

Inamin nila na upang manipulahin ang resulta ng eleksyon ay gumamit umano sila ng sobrang kopya ng authentic forms ng Certificate of Canvass na may supporting statement of votes.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply