2 birador ng taxi driver nadakip

NADAKIP ang dalawang holdaper ng mga taxi driver habang nakatakas ang isang kasama nang muling mambiktima sa Malabon City nitong Sabado ng madaling araw, Setyembre 17.

Nakilala ang mga suspek na sina Benjamin Co, 34, at Michael Mijos, 21, kapwa ng Tumana, North Bay Boulevard South ng nasabing lungsod.

Nabatid sa biktimang si Roger Samudio na dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maisakay niya ang mga suspek sa Moriones, Tondo, Maynila.

Nagpahatid ang mga suspek sa Caloocan City subalit pagsapit sa Dalagang Bukid, Navotas ay naglabas ng mga patalim ang mga suspek at kinuha ang P4,700 kita sa pasada ng biktima at cellphone na nagkakahalaga ng P6,000.

Mabilis na tumakas ang mga suspek habang nakahingi ng tulong ang biktima sa mga pulis at sa isinagawang follow-up operation ay nadakip sina Co at Mijos habang nakatakas ang hindi pa kilalang kasama dala ang mga nakulimbat.

Sa presinto, lumutang si Jayson Delos Santos, taxi driver at positibong itinuro ang mga nadakip na nangholdap sa kanya habang pumapasada ng taxi noong nakalipas na Agosto 14. Rene Manahan

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply