2-M residente lumikas sa Mindanao– Tañada

AABOT na sa dalawang milyong katao ang sapilitang lumilikas sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na kaguluhan sa Mindanao at iba pang lugar sa bansa.

Binigyang diin ni House Deputy Speaker Lorenzo “Erin” R. Tañada III na ang sapilitang paglikas ng mga tao mula sa kanilang mga tahanan ay isa nang nakagigimbal na palatandaan na tila “war zones” na ang ilang mga lugar sa Mindanao bunsod ng mga engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at rebelde.

“Kapag nakikita natin ang maramihang paglikas o pagkawala ng mga sibilyan mula sa ‘areas of conflict,’ palatandaan ito na bigo ang gobyerno na protektahan ang mamamayan nito sa mga kaguluhan,” ayon kay Tañada.

Dahil dito, ipinanukala ni Tañada na nakapaloob sa House Bill 205 na magtatakda ng tulong sa mga sapilitang lumikas sa kanilang mga tirahan sanhi ng kaguluhan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde.

Batay sa datos na nakuha ni Tañada, noong 2007, umabot sa 300,000 katao ang nagsilikas mula sa kanilang mga tahanan bunsod ng bakbakan ng rebeldeng Abu Sayyaf; kalahating milyon naman ang nagsilikas sanhi ng habulan ng mga sundalo at MILF matapos hindi matuloy ang pirmahan ng memorandum of agreement on ancestral domain (MOA AD) sa pagitan ng pamahalaan at MILF, at noong 2009 nasa daan-daang libo naman ang nagsilikas papalayo sa mga bayan malapit sa pinangyarihan ng Maguindanao massacre.

Aniya, kapag naging batas na ang House Bill 205, tatanggap ng hanggang P50,000 ang kaanak ng namatay na biktima, o iba pang tulong pinansyal bilang mga “actual or compensatory damages for physical, emotional and/or psychological injuries.”

Kapag ang mga sibilyan ay sapilitang lumilikas mula sa kani-kanilang mga tahanan, sila’y walang mapagkukunan ng pagkain, tubig, at malalayo sa kanilang hanapbuhay. Samakatuwid, malalagay sa alanganin ang kanilang kalusugan, kabuhayan at mahihinto sa pag-aaral ang mga bata, paliwanang ni Tañada.

Kailangan din aniyang matulungan ang mga biktima habang sila’y lumilikas, o kaya’y sa panahon ng kanilang paglilipat, hanggang sa maayos na silang makapamuhay ng payapa sa ibang lugar.

Sa unang bahagi ng implementasyon, ang pondo ay magmumula sa Commission on Human Rights, sa Department of Social Welfare and Development, Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, at National Risk Reduction and Monitoring Council.

Samantala, inihayag ni Tanada na inaprubahan na ng House Committee on Human Rights ang panukala at ngayon ay pinag-aaralan na ng House Committee on Appropriations.

Sinabi ni Tañada na ang pagsasabatas nito ay bahagi ng pakikibahagi ng bansa sa mga layunin ng United Nations Guiding Principles on International Displacement na naging panukala ng UN Commission on Human Rights sa nakaraan nitong 54th Session.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply