33 patay, 41 nawawala dahil kay ‘Pedring’

TINATAYANG umabot na sa 33 ang iniwanang patay ng bagyong “Pedring” at aabot naman sa  41 ang iniulat na nawawala.

Batay sa talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pagkalunod at nabagsakan ng punong kahoy o nadaganan ng pader ang karamihang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.

Ayon sa ulat pinakamaraming namatay sa Region 3 na umaabot sa siyam, walo sa Metro Manila, lima sa Region 4-B, tatlo sa Region 2 at tigda-dalawa sa Regions 1, 4-A, 5 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Bukod sa mga iniulat na nangamatay,  41 naman ang iniulat na nasugatan habang karamihan sa 41 na nawawala ay mga mangingisda.

Umaabot na sa 73,228 pamilya o 346,171 indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyo mula sa 31 lalawigan sa  Luzon.

Pumalo na sa P1.14 bilyon ang halaga ng mga ari-arian at pananim na napinsala ni Pedring, P1 bilyon dito ay sa agrikultura at P120 milyon ang sa imprastraktura.

Patuloy pa rin ang ginagawang rescue operations ng Philippine National Red Cross (PNRC).

Sinabi ni PNRC Sec Gen Gwendolyn Pang, nagde-deploy pa rin sila ng amphibian boats at trucks dahil sa mayroon pa ring kailangan ilikas.

Aminado si Pang na mas mahirap ang rescue operations nang manalasa ang bagyong Pedring dahil sa napakalakas ng hangin at ulan nito. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply