3rd placer sa 1980 Bar exam bagong LTFRB chair
PORMAL nang iniluklok ni Transportation and Communications (DOTC) Sec. Mar Roxas si Atty. Jaime Jacob bilang bagong chairman ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Papalitan ni Jacob si Nelson Laluces na nag-resign upang bigyang daan si Roxas, na ngayon ay nasa Shanghai, China, na pumili ng kanyang sariling mga tauhan sa kagawaran.
Si Jacob na nagtapos ng abogasya sa San Beda College ay 3rd placer sa 1980 Bar Examinations at dating commissioner ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) noong 2006 hanggang 2009.
Pero umalis siya sa komisyon para suportahan ang kandidatura ng Pangulong Noynoy Aquino noong 2010 presidential elections.
Pero bago ito, itinalaga rin siya ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang chairman ng Philippine National Railways (PNR) at head ng Bicol River Basin Project bago inilagay sa PAGC.
Dati rin siyang councilor at naging congressman ng ikalawang distrito ng Camarines Sur mula 1998 hanggang 2001.
Sinasabing malapit siya kay Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo mula pa noong mayor pa lamang ito ng Naga City.
Nagsilibi rin siyang undersecretary ng Department of Education sa pagitan ng 2001 at 2002.
Kung maaalala naman si Sec. Roxas ang pumalit din sa nagbitiw na kalihim ng DoTC na si Jose “Ping” de Jesus.
You must be logged in to post a comment Login