435 illegal open dumpsites inilantad

IBINULGAR ng isang opisyal ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) na mayroong 435 open and controlled dumpsite na iligal na pinamamahalaan sa bansa.

Kaugnay nito tiniyak naman ni NSWMC Deputy Executive Director Eli Ildefonso na naipadala na ng kanilang ahensya ang mga “final warning” sa mga kinauukulang lokal na pamahalaan para masugpo ang operasyon ng mga ito at sumunod sa probisyon ng Ecological Solid Waste Management Act (Republic Act 9003).

Ayon kay Ildefonso, dapat noon pang 2006 ipinasara ang mga open dumpsite. Subalit dahil sa napakalaking halagang kakailanganin sa pagpapagawa at operasyon ng sanitary landfill, mas pinipili ng ilang LGU na ipagpalit na lamang ang kaligtasan ng kanilang mamamayan kaysa itigil ang operasyon.

Sa paglabag sa batas ng ilang opisyal, tinukoy nito ang pagkabaon ng buhay ng may 300 residente sa Payatas ng gumuho ang bundok ng basura 11 taon na ang nakalipas at ang naganap kamakailan na “trash slide” sa Irisan Baguio dumpsite na nagresulta sa pagkamatay ng anim na katao sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Mina.

Aniya, mas makabubuting sanitary landfill na lamang ang gamiting pamamaraan ng solid waste management dahil bukod sa pinaliliit nito ang volume ng basura at mapagkukunan ng enerhiya ang mga nabubulok na basura, pinipigilan din nito ang kontaminsyon ng tubig sa ilalim ng lupa.

Sa kasalukuyan ay may 36 engineered sanitary landfill sa bansa na maaari pang madagdagan ng 63 sa lalong madaling panahon.

Sinabi ng opisyal na nakahanda rin silang magbigay ng technical assistance sa mga operator ng sanitary landfill upang matiyak na makasusunod ang mga ito sa mahigpit na pamantayan.

Bukod pa rito, umapela rin ang opisyal sa publiko na ugaliin ang 3R – reduce, re-use at recycle – at paghihiwalay ng mga panapon sa kanilang bahay pa lamang at tiyak na mababawasan agad ng kalahati ang may 40,000 toneladang basurang nagmumula sa bansa kada araw. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply