5 Malabon City officials kinasuhan ng estafa

LIMANG opisyal ng Malabon City hall ang nahaharap sa patong-patong na kaso estafa matapos sampahan ng demanda ng isang negosyante na hiningian umano ng mga ito ng malaking halaga ng salapi upang makuha ang kontrata para sa medical supply ng naturang lungsod.

Kasong estafa through falsification of public and official documents ang mga opisyal ng Malabon City Hall na sina Engr. Benjamin Villacorta; Marlon Marquina; Rafael Jose; Annabelle Caparas; Engr. Evangeline Arenga, pawang empleyado ng city hall; Sebastiana Dadia at Consolita Tutanes.

Sa complaint affidavit ni Myrna Ojada Tan, noong unang linggo ng Hunyo, taong kasalukuyan nang lumapit sa kanyang tanggapan sa Valenzuela City ang isang Michael Buquid kasama ang mga akusadong sina Dadia at Tutanes upang gawing financier sa isang proyekto sa Malabon City hall na magsusuplay ng mga medical equipment.

Humingi ng initial payment na P8 milyon ang mga ito sa biktima habang may balanse pang P8.5 milyon na kukumpletuhin ang bayad kapag naibigay na ang kontrata at iba pang dokumento.

Sa tulong ng abogado ni Tan na si Atty. Christopher Tiu, nagkasundo ang mga ito sa usapan sa pagbabayad hanggang sa makaharap ang iba pang sangkot sa umano’y naganap na panloloko kabilang ang city administrator na si Villacorta.

Nakasaad pa sa complaint affidavit ng biktima na nakausap ng kanyang abugado ang city administrator ng Malabon City sa penthouse ng city hall kasama ang iba pang personalidad kaya lalong nagtiwala ang abogado na lehitimo ang negosyong papasukan ng kanyang kliyente.

Matapos makapagbayad ng kabuuang halaga at maibigay ang mga kailangang dokumento ay nahirapan na ang biktima at ang abugado nito na makita si Buquid hanggang sa magpasya ang mga ito na magtungo sa city hall ng Malabon at madiskubre ng mga ito na pinatay na ang kanilang hinahanap na tao.

Dahil dito, nakipagkita umano ang grupo ng abugado ng biktima sa city administrator na si Villacorta ngunit itinanggi nito na may ganoong kontrata at sinabi pa nito na peke ang pirma ni Mayor Oreta.

Dahil dito, napilitan nang magsampa ng kaukulang kaso ang negosyanteng si Tan sa mga nabanggit na personalidad na umano’y malaki ang kinalaman sa pagkuha ng kanyang P16.5 milyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply