Administrasyon kinalampag sa palpak na anunsyo ng kanselasyon ng pasok

MULING kinalampag ng oposisyon sa Kamara de Representantes ang administrasyon sa papatay-patay na pag-aanunsyo ng kawalan ng pasok ng mga empleyado ng pamahalaan sa panahon ng bagyo.

Sa pananalasa ng bagyong Pedring, ikinairita nina House Deputy Minority Leader Danilo Suarez at Assistant Minority Leader Mitos Magsaysay ang kabagalan sa pagpapa-abot sa publiko ukol sa suspensyon ng pasok ng mga empleyado.

“Wala akong pakialam kung meron silang nightlife pero sana naman bumangon sila ng maaga, dapat mga alas-5:00 pa lang ng umaga ay meron ng anunsyo,” ani Magsaysay.

Giit naman ni Suarez na hindi maaring ikatwiran ng mga taga-Malakanyang na tulog pa ang mga ito ng alas-5:00 ng umaga dahil kapag nagtatrabaho sa gobyerno ay dapat na palagi silang “on call” sa serbisyo publiko.

Matatandaan na habang nasa kasagsagan ng bagyong Pedring kahapon ay nag-anunsiyo ang Malakanyang na suspendido na ang pasok ng lahat ng kawani ng gobyerno bandang alas-8:00 ng umaga kung kailan nakapasok na umano sa kanilang mga tanggapan ang iba.

Nanawagan din ang kongresista sa gobyerno na mas maagang humanap ng relocation site para tuwing may bagyo ay mabawasan na ang casualties.

Aniya, dapat ding maglaan ng pondo ang gobyerno para magamit sa rehabilitasyon sa mga lugar na laging dinadaan ng bagyo partikular na ang mga lalawigan ng Bicol, Aurora, Quezon at Batanes.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply