Anak ng mga mangingisda bibigyan ng scholarship

MULING nanawagan ang pamunuan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga anak ng mga mangingisda sa Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City) Region na samantalahin ang scholarship na inaalok ng tanggapan.

Mismong si BFAR National Director Atty. Asis Perez ang humikayat sa mga anak ng mga mangingisda sa rehiyon na subukan ang scholarship ng BFAR.

Ayon sa opisyal, bukas ang scholarship para sa mga nagtapos ng high school o magtatapos ngayong taon at interesadong kumuha ng kursong Bachelor of Science in Fisheries o Marine Biology simula sa school
year 2012-2013.

Nilinaw ng opisyal na dapat anak sila ng mga small-scale o small-time na mangingisda o yaong kumikita ng hindi lalampas ng P25,000 bawat taon.

Ang edad ng mag-aaral ay hindi dapat lalampas sa 20 taong gulang, hindi pa nakapag-aral sa kolehiyo, at may weighted average sa fourth year high school na hindi bababa sa 80 porsiyento.

Kailangan ding miyembro ng asosasyon ng mga mangingisda ang kanilang mga magulang ng hindi bababa ng apat na taon. Patutunayan ito sa pamamagitan ng sertipikasyon mula sa pinuno ng organisasyon.

Ayon kay Atty. Perez, kabilang sa matatanggap ng mga scholar ng BFAR ang libreng tuition, buwanang allowance at book allowance.

Balak ng BFAR na sa susunod na taon, magkakaroon sila ang hanggang 20 iskolar sa bawat rehiyon. Mas maraming scholarship slots ang kanilang balak ibigay sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Balak ng BFAR na bigyan ng trabaho sa kanilang tanggapan ang mga scholar kapag natapos na nila ang pag-aaral. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply