Ang problema kay Alvarez

PANAHON na para magsalita si outgoing Bureau of Customs Commissioner Angelito Alvarez at ibunyag na niya ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa iba’t ibang kabulastugan sa ahensiyang minsan niyang pinamunuan.

Seryoso kasi ang kanyang alegasyon na ang mga big time smuggler na kumikilos sa BOC ang nag-operate para patalsikin siya sa puwesto.

Ang ibig bang sabihin nito ay nanalo ang mga kampon ng kasamaan? Iyon ay kung maituturing na kakampi ng kabutihan si Alvarez.

Pero tiwala ako sa integridad ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at alam ko na hindi naman niya basta sisibakin si Alvarez kung wala siyang mabigat na dahilan.

Kahit sino pang Herodes ang manulsol at bumulong kay Noynoy kung alam naman niya na mabuti at tama ang ginagawa ni Alvarez ay siguradong hindi niya bibitawan ito.

Ang problema kasi kay Alvarez ay marami rin siyang sablay.

Bagamat marami rin naman siyang nagawa sa Customs para mapatino ang serbisyo rito ay lumalabas na marami rin naman ang sabit niya.

Hindi kasi lubusang maalis ang duda sa kanya tungkol sa libo-libong nawawalang mga container na galing sa Port of Manila papunta sa Port of Batangas.

Ang tawag sa modus na ito ay “swing” at mahirap maipali-wanag na nawawala ang ganun karaming mga container na hindi niya namalayan.

Ayon kay Sen. Ping Lacson ay bigo rin si Alvarez na mapahinto ang “biyakan” ng parte nang mga tiwaling kawani at smugglers tuwing Biyernes.

Alam naman ng lahat na matagal na itong kalakaran at isa itong open secret pero mukhang nakaligtas din ito sa matalas na mata ni Alvarez.

Harapin na natin ang katotohanan.

Gaya ng iba ring opisyal ng gobyerno na itinalaga ni Noynoy, may mga maganda rin namang nagawa si Alvarez at meron din siyang sablay.
Sayang nga lang at hindi pa siya nabigyan ng mas maha-bang panahon para patunayan

na kaya niya ang tungkulin na ibinigay sa kanya.

Ang balita ko, nang masibak si Alvarez ay nasa kalagitnaan siya nang pangangalap ng ebidensya tungkol sa nawawalang mahigit isang libong imported second hand vehicles.

Gayundin naman na mahigpit ang kampanya niya laban sa mga smuggler ng mga sibuyas at bawang na naging dahilan para i-operate siya.

Sana lang ay hindi nagkamali sa kanyang desisyon si Pangulong Noynoy na sibakin si Alvarez at sana ay mas magaling at matino ang ipapalit ng Pangulo sa kanya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply